ITO ay isang usapin na didiretso sa Korte Suprema.
Ipinag-utos ng Office of the Ombudsman ang pagsibak sa puwesto kay Senador Joel Villanueva, dahil sa pagkakasangkot umano sa pork barrel scam noong miyembro pa siya ng Kongreso bilang kinatawan ng party-list na Citizens Battle Against Corruption (CIBAC). Napatunayan na mayroon siyang pananagutan sa maling paggamit sa P10 milyon ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong 2008 at napatunayang nagkasala sa grave misconduct, serious dishonesty, at conduct prejudicial to the interest of the public service.
Binigyan ng Ombudsman si Senate President Aquilino “Koko” Pimentel ng 30 araw upang magsumite ng compliance report sa nasabing dismissal order. Sa halip, idinulog ni Pimentel ang usapin sa Senate Committee on Rules na pinamumunuan ni Sen. Vicente Sotto III.
Pangunahing usapin dito kung may kapangyarihan ang Ombudsman upang sibakin ang isang halal na kasapi ng Senado. Ang kaso laban kay Villanueva ay inihain noong 2010, noong siya pa ang director general ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Iginiit ng Ombudsman na ang utos ng panghabambuhay na pagdiskuwalipika sa serbisyo publiko ay makaaapekto sa termino ni Villanueva sa Senado, na roon siya nahalal ngayong 2016.
Taliwas sa iginigiit na kapangyarihan ng Ombudsman ang probisyon sa Konstitusyon na nagsasaad na ang bawat miyembro ng Kongreso “may punish its members for disorderly behavior and, with the concurrence of two-thirds of all its members, suspend or expel a member….”, batay sa Section 16(3), Article VI, Legislative Department ng Philippine Constitution.
Sinabi ni dating Senate President Franklin Drilon na ang Villanueva ay una sa kasaysayan ng Senado at dapat na idulog sa Court of Appeals hanggang sa Korte Suprema “so they could decide on what is really right.”
Bukod pa sa usaping legal na ito ang paninindigan ni Villanueva na inosente siya. Iginiit niyang peke ang sinasabing lagda niya sa mga dokumento tungkol sa paglalabas ng pondo mula sa kanyang PDAF. Maaalala rin na ilan pang mambabatas ang kinasuhan ng plunder dahil sa maling paggastos sa kanilang PDAF na kinasasangkutan ng P50 milyon pataas, ngunit ang lahat ng kaso ay nililitis at dedesisyunan ng Sandiganbayan.
Saklaw ng kapangyarihan ng Ombudsman ang patawan ng dismissal ang isang senador, na gaya ng sa kaso ni Villanueva at idinulog na ni Senate President Pimentel ang usapin sa Committee on Rules ni Sotto. Nakatakdang magpulong ang komite ngayong linggo. Sa ngayon, nakapaghain na si Senator Villanueva ng motion for reconsideration sa Office of the Ombudsman.
Inaasahan nang maninindigan ang Office of the Ombudsman at ang Senado sa kani-kanilang posisyon sa usapin ng kapangyarihan. Sa huli, aabot na ang usapin sa Korte Suprema bilang usaping legal. Dapat itong maresolba sa lalong madaling panahon upang hindi ito makasagabal sa operasyon ng gobyerno, ng Senado at ng Ombudsman na rin.