Tuluyan nang inihatid sa kanyang himlayan sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) sa Fort Bonifacio, Taguig City kahapon ng tanghali si dating Pangulong Ferdinand Emmanuel Edralin Marcos, Sr. matapos gawaran ng 21-gun salute sampung araw makaraang pahintulutan ng Korte Suprema ang paghihimlay sa kanya sa LNMB, at sa kabila ng mariing pagtutol ng mga biktima ng batas militar.

“Maayos at very private ang isinagawang paghahatid sa huling hantungan ni dating Pangulong Marcos sa LNMB,” sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) acting Director, Chief Supt. Oscar Albayalde sa mga mamamahayag na nabigong makapasok sa loob ng LNMB.

Mahigit 1,000 operatiba ng NCRPO, kasama ang nakatalaga sa traffic management, ang ipinakalat sa loob, labas at sa mga kalsadang malapit sa LNMB upang magpatupad ng mahigpit na seguridad.

Bigo ring makalapit sa LNMB ang mga raliyistang tumututol sa paghihimlay kay Marcos sa LNMB, bagamat nakalapit sa lugar ang dose-dosenang tagasuporta ng dating pangulo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi ni Albayalde na dakong 5:00 ng hapon nitong Huwebes nang nakausap niya si dating Senador Bongbong Marcos kaugnay ng libing.

“Around 11:15-11:20 (am) dumating sa LNMB, galing Laoag International Airport, ang tatlong chopper na lulan ang labi ng dating Pangulong FM, kung saan kumpleto ang kanyang pamilya mula kay dating First Lady at ngayo’y 2nd District Ilocos Norte Representative Imelda Romualdez Marcos; (Ilocos Norte) Gov. Imee Marcos; dating Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos at ang bunsong kapatid na si Irene,” ani Albayalde.

Dakong 11:30 ng umaga sinimulan ang funeral march/ceremony, isinakay sa karwaheng napalilibutan ng puting bulaklak ang kabaong ni Marcos, na sinundan ng 21-gun salute (military honors) bilang pagpupugay sa dating sundalo.

Isang maikling panalangin ang inialay ng pamilya Marcos bago tuluyang inilibing ang dating Pangulo, eksaktong 12:00 ng tanghali.

Pagkatapos nito, kaagad sumakay ang pamilya Marcos sa chopper patungong Villamor Airbase sa Pasay City para sa isang pulong-balitaan.

“Kasama namin kayong nangarap, nanalangin para sa mataimtim na paglilibing sa aking ama. Hinding-hindi naming malilimutan ang lahat ng tumulong at sumuporta sa amin at sa aking ama. Humihingi po muli ako ng walang hanggang pasasalamat,” pahayag ni Gov. Imee.

Sinabi naman ni Albayalde na pansamantalang isasara ang LNMB, na nasa hurisdiksiyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP), habang saklaw naman ng NCRPO ang seguridad sa labas ng libingan.

HINDI RIN ALAM NG PALASYO

Kaugnay nito, iginiit ng Malacañang na hindi alam ni Pangulong Rodrigo Duterte na kahapon ililibing si Marcos.

“As far as I know he (Duterte) was not sure about exact date, as far as I know,” sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Ernesto Abella sa isang televised press briefing sa Lima, Peru, kung saan dumadalo ang Pangulo sa Asia Pacific Economic Conference (APEC) Summit.

Sinabi ni Abella na “there was no direct conversation” sa pagitan ni Duterte at ng pamilya Marcos kaugnay ng paglilibing sa dating presidente, dahil nakatutok, aniya, ang huli sa APEC meeting.

Ito rin ang pahayag ni Communications Assistant Secretary Marie Banaag, sinabing walang impormasyon ang Presidential Communications Office (PCO) kaugnay ng petsa ng libing at idinagdag na personal na desisyon ito ng pamilya Marcos.

“Well, so far the PCO does not have any knowledge of that instruction. So we, we don’t have any knowledge about the burial, if the schedule and everything, we don’t have. Perhaps the PNP has,” ani Banaag.

Isinilang noong Setyembre 11,1917, pumanaw si Marcos noong Setyembre 28, 1989. Naging pangulo siya ng Pilipinas mula 1965 hanggang 1986, habang ipinairal naman niya ang batas militar simula 1972 hanggang 1981.

(BELLA GAMOTEA, BETH CAMIA at ELENA ABEN)