LONDON (AP) – Malinaw ang mga tagubilin ng isang dalagita: Huwag siyang ilibing, kundi i-freeze lamang – dahil umaasa siya na maipagpatuloy niya ang kanyang buhay sa hinaharap kapag nagkaroon na ng lunas ang cancer.
“I want to live and live longer and I think that in the future they may find a cure for my cancer and wake me up,” sabi ng 14-anyos na lumiham sa hukom bago siya namatay kamakailan.
Sinabi niya na “being cryo-preserved gives me a chance to be cured and woken up – even in hundreds of years’ time.”
Ang kanyang malulungkot na salita ang nakapagkumbinse kay High Court Judge Peter Jackson na pagbigyan ang kanyang huling kahilingan.
Pinili ng dalagita ang pinakasimpleng preservation option na nagkakahalaga ng halos 37,000 pounds ($46,000). Ang kanyang bangkay ay ipipreserba “cryogenically”, isang hindi pa napatunayang technique na pinaniniwalaan ng ilang tao na magpapahintulot sa frozen bodies na muling mabuhay sa hinaharap.
“It is no surprise that this application is the only one of its kind to have come before the courts in this country -- and probably anywhere else,” sabi ng hukom. Ibinaba niya ang hatol nitong Oktubre.
Sinabi ni Jackson na ang kanyang desisyon ay hindi nangangahuugan na naniniwala siya sa cryogenic preservation. Sa halip ay nangibabaw sa kanya ang nais ng dalagita, kahit na hindi legally binding ang will nito bilang bata.
“I don’t want to be buried underground,’’ sulat ng dalagita sa kanyang argumento. “I want to have this chance. This is my wish.”