DAVAO CITY – Kinasuhan kahapon ng human rights defender na si Temogen “Cocoy” Tulawie sa Office of the Deputy Ombudsman for Mindanao sina Senator Leila de Lima, Sulu Vice Gov. Abdusakur Tan at tatlong iba pa dahil sa “financing of terrorism”, kurapsiyon, at “neglect of duty, grave misconduct to the best interest of the service”.

Nagtatag at presidente ng human rights group na Bawgbug, Inc., sinabi ni Tulawie at isa pang hindi pinangalanang complainant na nais nilang papanagutin sina De Lima, Tan, Mehol K. Sadain, Edilwasaif T. Baddiri, at Wendel F. Sotto sa pagpapalaya mula sa piitan ng tatlong miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) noong Enero 2014.

Pinalaya noong nakataang taon si Tulawie matapos ang halos tatlong taong pagkakakulong makaraan siyang masangkot sa pambobomba sa Patikul, Sulu noong Mayo 13, 2009, na ikinasugat ng 12 katao, kabilang na si Tan.

Sa reklamo nina Tulawie, kinilala ang mga pinalayang bandido na sina Mohammad Sali Said, Jul Ahmad Ahadi, at Robin Sahiyal.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Nakasaad sa affidavit na pinalaya ang tatlong miyembro ng ASG sa tulong ng mga dating opisyal ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) na sina Sadain at Baddiri na nagsabing ang mga ito ay “innocent Muslims wrongfully arrested due to mistaken identity.”

Ayon pa kay Tulawie, isinailaim naman ni De Lima — bilang noon ay kalihim ng Department of Justice (DoJ) — si Said sa Witness Protection Program (WPP) at binigyan umano ito ng “funds, financial assistance, shelter, and legal services with the use of their public offices and by taking advantage of the powers, influence and connections of their respective public offices” gamit ang pondo ng kagawaran.

Sinabi pa ni Tulawie na kinumbinse ng mga bandido ang kanyang co-complainant, habang nakapiit sila sa Special Intensive Care Area (SICA) ng Camp Bagong Diwa sa Taguig City noong Abril 2012, na palalayain umano ni Tan ang mga ito kung tetestigo laban sa kanya. (Antonio L. Colina IV)