Umabot na sa 147 kolorum na mga bus at van ang naghambalang sa East Avenue sa Quezon City, iniulat kahapon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ito ay dahil walang sariling impounding area ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board para sa mga nahuhuli nitong kolorum na sasakyan.
Nabatid kay Ryan Salvador, hepe ng Public Assistance and Complaint Desk ng LTFRB, na nakipag-ugnayan na sila sa Metro Manila Development Authority (MMDA) upang makigamit ng impounding area nito na nasa Pasig City.
Bukod dito, mayroon ding 44 na bus at van na nasa impounding area ng Land Transportation Office (LTO) sa Tarlac, habang 27 naman sa impounding area sa Taytay, Rizal.
Aminado si Salvador na marami na silang natatanggap na reklamo mula sa mga motoristang bumabaybay sa East Avenue dahil nakadadagdag ito sa pagsisikip ng trapiko sa lugar.
Tiniyak naman niyang gumagawa na sila ng kaukulang hakbang tungkol dito. (Jun Fabon)