Hinihinalang biktima ng summary execution ang walong bangkay na isa-isang natagpuan sa magkakahiwalay na lugar sa Pasay City at Makati City simula nitong Miyerkules ng gabi hanggang kahapon ng madaling araw.

Nakilala na ng awtoridad ang lima sa walong biktima na pawang nakabalot ng packaging tape ang mga mukha, nakagapos ang mga kamay at may mga saksak at tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Dakong 10:30 ng gabi nang unang nadiskubre ang bangkay ni Dennis Magdilira, 32, ng Mahogany Street, Barangay 145, Pasay City, na may saksak sa balikat at kilikili at nasasabitan ng karatula na nakasulat ang “Barker, adik-pusher, ‘wag tularan”, sa bahagi ng Buendia Avenue sa Bgy. 37, Zone 3 sa lungsod.

Isa pang bangkay, na kalaunan ay kinilalang si Efren Escrupulo, 34, ng Bgy. 76, Zone10, ang natagpuan na may mga saksak sa balikat at nakadikit sa dibdib nito ang isang papel na nasusulatan ng “Barker, snatcher at adik”, sa Chapel Road sa Bgy. 195, Zone 20, bandang 11:15 ng gabi.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Hatinggabi naman nang makita ng isang basurero ang ikatlong lalaking hinihinalang sinalvage na si Edgardo Lonseras, 34, ng Primero de Mayo St., Bgy. 88, na nakabalot ng packaging tape ang mukha at nakagapos sa likod ang mga kamay habang nakadikit dito ang papel na may nakasulat na “Huwag tularan, adik, holdaper at barker”. Natagpuan umano sa kanyang bulsa ang isang sachet ng pinatuyong marijuana, sa Bgy. 190, Zone 20, dakong 11:46 ng gabi.

Sinundan pa ito ng dalawang bangkay ng lalaki na nadiskubre ng isang guwardiya sa Cuneta Avenue, Bgy. 77, Zone 10, dakong 12:30 ng umaga.

Kinilala ang dalawa na sina June Casan, 54, ng Bgy. 76, F.B. Harrison; at Ricardo Medina, 22, ng Sarhento Mariano St., Bgy. 143, kapwa may papel sa dibdib na nasusulatan ng “Huwag tularan karnaper, holdaper, pusher, adik at barker, susunod na”.

Sinabi ni Chief Insp. Rolando Baula, hepe ng Station Investigation Detective Management Branch ng Pasay City Police, na kinilala ang lima sa mga bangkay ng kaanak ng mga ito.

Lumitaw na ang limang biktima ay pawang miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik at sangkot sa serye ng panghoholdap.

Samantala, mistulang iisang istilo ang ginamit sa tatlong bangkay ng hindi kilalang mga lalaki na nasa edad 35-40, balingkinitan, nakasuot ng itim na T-shirt at maong pants, na nakita sa ilang lugar sa Makati City.

Natuklasan ang unang bangkay sa Morse St. sa Bgy. San Isidro dakong 12:30 ng umaga at makalipas ang kalahating oras ay natagpuan naman ang dalawang bangkay sa Mascardo St. sa Bgy. Bangkal.

Lumitaw na pawang nakabalot ng packaging tape ang mga mukha, nakagapos ang mga kamay at may papel sa katawan na nasusulatan ng “Huwag tularan, bukas-kotse, holdaper, tulak droga, holdaper ako” ang mga bangkay.

Isinasailalim sa awtopsiya ang mga bangkay na inilagak sa Veronica Funeral Homes. (BELLA GAMOTEA)