vilma-santos5-copy-copy

HALATANG na-miss nang husto ng Star for All Seasons ang pakikipagtsikahan sa movie press.

Last Monday, nang dalawin namin ang kauna-unahang kinatawan ng bagong lone district ng Lipa City na si Congresswoman Vilma Santos-Recto sa kanyang opisina sa Mitra Building ng Kongreso, super kuwento si Ate Vi sa amin.

Kumpara sa dating opisina niya bilang gobernador ng Batangas ay may kaliitan ang tanggapan ni Cong. Vi ngayon kaya biniro siya ng isang kasamahan namin na hindi akma sa isang Vilma Santos.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Natatawang reaksiyon ni Ate Vi, bilang bagong upong mambabatas ay halos uniformed o pare-pareho ang laki ng mga opisina nila, considering din naman na mahigit sa three hundred representatives ang nasa Kongreso.

At kung bilang gobernador ay mahigit na dalawang libo ang empleyado si Ate Vi, sa Kongreso ay hindi aabot ng tatlumpo, kasama ang ilang consultants at ang mga itinalaga niya sa satellite office sa Lipa.

Pero masuwerte si Cong. Vi dahil kahit first termer pa lamang ay pinagkatiwalaan na siya ng isang chairmanship, dalawang vice chair at membership sa may sampung committee.

Kagaya noong maging mayor at gobernador ay hindi basta-basta na lang sumasabak si Ate Vi sa obligasyon bilang mambabatas na hindi nakahanda. Katunayan, nadatnan namin siya na nirerepaso ang mga dokumento ng mga dadaluhan niyang committee hearings.

Kuwento pa ni Ate Vi, bago siya sumabak sa Congress ay sumailalim siya sa seminar kasama ang mga kapwa baguhang mambabatas at ang dalawa pang taga-showbiz din na sina Cong. Yul Servo at Monsour del Rosario.

Sa anim na buwan pa lamang na pagiging kinatawan ng Lipa ay marami na agad naihaing mga panukalang batas si Ate Vi.

Priority bills niya ang may kinalaman sa health at sa mga manggagawa.

May inihain ding batas si Cong. Vi hinggil sa barangay workers and officials na aniya ay dapat lang na magkaroon ng buwanang suweldo at hindi ‘yung honoraria lang ang tinatanggap ng mga ito sa kasalukuyan. Pero siyempre, pagdedebatehan pa rin ito sa plenaryo.

Amused na ikinuwento ni Ate Vi na tuwing naglilibot siya sa Lipa ay governor pa rin ang turing at tawag sa kanya ng constituents niya, kaya ipinapaalala niya na congresswoman na siya.

May balak pa ba siyang balikan ang pagiging gobernador?

“Kilala nyo naman ako, wala akong political ambition. P’wedeng tuloy pa rin ako or p’wedeng hanggang dito na lang at mag-concentrate na lang sa showbiz,” sagot ni Ate Vi.

Hindi pa rin siya mapagkukuwentuhan pagdating sa latest showbiz news. Ipinagmamalaki niya na labing-isang tabloids ang binabasa niya araw-araw at laging kabilang doon ang BALITA, ha!

May oras pa rin siya sa panonood ng mga teleserye at humahanga sa pag-arte ng mga artista lalo na ng seniors, kaya nabanggit niya na sana ay magkaroon din siya ng pagkakataon na makaarte sa isang teleserye.

Pinanghihinayangan ni Ate Vi nang husto ang offer sa kanya last June ni Direk Mike de Leon na hindi niya natanggap.

Period movie ang project na tungkol sa buhay ni Doña Sisang ng LVN Films. Hindi siya makasagot agad dahil kapapanalo pa lang niya bilang congresswoman at hindi pa niya hawak ang schedules niya.

Kuwento pa ni Ate Vi, kahit pareho silang busy ni Luis Manzano ay updated siya sa mga nangyayari sa anak niya. Pero hindi siya nakikialam sa love life nito at ang bukod tanging papel niya kay Luis ay ang payuhan ito.

Alam daw niyang lahat ng mga rason sa mga break-up ng anak pero hindi niya ito puwedeng ikuwento. Okay naman daw ang kasalukuyang karelasyon ni Lucky na si Jessy Mendiola at nakikita niya na happy daw naman ang dalawa. (JIMI ESCALA)