PORTLAND (AP) – Naitala ni James Harden ang ikatlong triple double ngayong season sa dominanteng 126- 109 panalo ng Houston Rockets kontra Portland Blazers nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).

Kumubra si Harden ng 26 puntos, 14 assist at 12 rebound para pangunahan ang lahat ng starter sa pagtipa ng double digits scores para sa ikapitong panalo sa 12 laro ng Houston.

Matikas ang simula ng Rockets sa bentaheng 41puntos sa first quarter bago nakahabol ang Blazers para maitabla ang iskor sa 62-all sa halftime.

Sa third period, muling naungusan ng Rockets ang Blazers, 38-21, mula sa mataas na 65 percent shooting at mailayo ng tuluyan ang laro.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nag-ambag sina Trevor Ariza at Eric Gordon ng tig-16 puntos, habang kumana si Clint Capela ng 15 puntos, pitong rebound at dalawang block.

Nanguna si C.J. McCollum sa Portland sa naiskor na 26 puntos, habang nagsalpak ng tatlo sa apat na three-pointer si Maurice Harkless para sa kabuuang 19 puntos. Nalimitahan si Blazers star Damian Lillard sa 18 puntos.

WOLVES 110, SIXERS 86

Sa Target Center, nadugtungan ng Minnesota Timberwolves ang pagdurusa ng Philadelphia Sixers.

Kumawala sina Andrew Wiggins, Karl-Anthony Towns at Gorgui Dieng ng double-double para dominahin ang Sixers na patuloy ang pagsadsad sa road game para sa 2-10 karta.

Nagtumpok nang pinagsamang 32 puntos sina Wiggins at Towns para maitarak ang pinakamalaking bentahe sa 33 puntos sa kaagahan ng third period.

Nanguna si Dario Saric sa Sixers sa naiskor na 16 puntos.

HEAT 96, BUCKS 73

Natuldukan ng Miami Heat, sa pangunguna ni Dion Waiters na kumana ng 23 puntos, pitong rebound at apat na assist, ang six-game losing skid nang magwagi kontra Milwaukee Bucks.

Kumubra si Hassan Whiteside ng 12 puntos, 17 rebound at pitong block, habang umiskor si Josh Richardson ng 18 puntos para sa ikatlong panalo ng Heat sa 11 laro.

Sa iba pang laro, ginapi ng Washington Wizards ang New York Knicks, 119-112.