NAKATUTUWANG isipin na sinangkapan ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Gina Lopez ng mahusay na pangangasiwa sa mga dalampasigan ang multi-sectoral governance approach na titiyak na mapananatiling maayos ang sitwasyon ng coastal at maritime assets ng bansa, kabilang at partikular na ang isla ng Boracay, ang pangunahing dinadayo ng mga turista sa Pilipinas.
Kilala sa mundo ng turismo bilang “the Island Paradise in the Pacific,”dinadayo ng aabot sa mahigit 1.6 milyong turista ang Boracay kada taon.
Sinabi ni Niven Maquirang, nangangasiwa sa Caticlan Jetty Port, kung saan bumibiyahe patungong Boracay sa loob ng 20 minuto sakay ng motorboat, na inaasahan nila ang pagdaong ng mas maraming barkong pangturista sa Caticlan sa susunod na taon. Simula sa Enero 28, sinabi niyang inaasahan ng pantalan ang ilang barko, na nasa 700 tripulante para sa mahigit 2,000 turista.
Binanggit ni Maquirang ang ilang kilalang tourists ship na natakdang dumaong sa Caticlan para ihatid ang mga dayuhang turista patungong Boracay. Kabilang sa mga ito ang MZ Europa sa Pebrero 15, na may 500 turista at 300 crews, at ang Seven Seas Voyage at ang Crystal Symphony cruise ships na darating naman sa Pebrero 29. Ang mga barkong ito at maraming iba pa ang inaasahang maghahatid sa mga dayuhang turista sa Boracay, kaya naman isinasaayos at pinalalawak ang kapasidad ng Caticlan Jetty Port, na nakatutulong sa paglikha ng pagkakakitaan hindi lamang sa Aklan kundi sa buong bansa.
Sa ilalim ni Secretary Gina Lopez, isang kilalang environmentalist, itinalaga ng DENR ang mahusay na si Undersecretary Art Valdez upang ipatupad at tiyaking tumatalima sa environmental laws at regulations ang kinauukulan.
Mahalaga ang estratehikong hakbangin na ito para sa Boracay at sa mga kalapit na lugar na ginigiyagis ng mga problema at paghamon ang sariling eco-systems.
Sinabi ni mismong Mayor Ceciron Cawaling, ng bayan ng Malay sa Aklan na nakasasakop sa Boracay, na “Keeping the island paradise a world-class asset is a herculean job.” Lantad sa banta ng polusyon, pagsisikip, pagsasamantala at pagkasira ng mga likas na yaman ang eco-system ng Boracay, kabilang na ang mga catch basin at wet lands, kanal, at maging ang supply ng tubig at kuryente.
Sa paglagda nitong Lunes sa Multipartite Memorandum of Agreement on the Operation and Maintenance of the Boracay Island Drainage System (Phase I) sa Hennan Regency Resort, pinuri ni DENR USec. Valdez ang pagsisikap ng iba’t ibang ahensiya at institusyon upang mapagbuti ang kondisyon ng isla. Hinimok niya ang mga itong magkaisa sa pagpapatupad ng responsibilidad na protektahan ang kapaligiran ng napakahalagang yaman ng bansa, kasabay ng pagtiyak na papanagutin ng DENR ang mga pasaway na lalabag dito. (Johnny Dayang)