Muling tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa na magiging ligtas ang pagbabalik sa bansa ngayong Biyernes ng umano’y pangunahing drug lord sa Eastern Visayas na si Kerwin Espinosa.

Sinabi ni Dela Rosa na si Kerwin ay “very important” dahil nagpahayag ito ng kahandaang isiwalat ang lahat ng nalalaman tungkol sa kalakalan ng ilegal na droga sa bansa.

“He is very important. He holds the key to the future of others involved in the illegal drug trade,” sabi ng PNP chief. “Kung hindi magbabago ang isip, nakahandang ibunyag ni Kerwin ang mga kasangkot sa droga.”

Naaresto sa Abu Dhabi noong nakaraang buwan, sinabi ni Dela Rosa na inaasahang darating sa bansa si Kerwin, kasama ang mga opisyal ng PNP-Anti-Illegal Drugs Group (AIDG), sa pagitan ng 2:00-3:30 ng umaga.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Bilang bahagi ng napakahigpit na seguridad, hindi na ihaharap si Kerwin sa korteng nagpalabas ng arrest warrant sa kanya, dahil ididiretso na siya sa Custodial Center sa Camp Crame sa Quezon City.

Ayon kay Dela Rosa, sa Camp Crame kukuhanan ng affidavit si Kerwin at sasailalim ng booking procedure bago makulong sa Custodial Center habang wala pang desisyon kung isasailalim ito sa Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DoJ).

Napaulat na naihanda na rin ng DoJ ang mga dokumento upang gawing state witness si Kerwin.

Sinabi ni Dela Rosa na si Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang nangangasiwa sa lahat kinakailangang proseso upang maisalalim sa WPP si Kerwin.

Pinaplantsa na rin ng DoJ ang pagbibigay ng proteksiyon sa live-in partner at mga anak ni Kerwin na nasa United Arab Emirates na rin.

Ayon kay Justice Undersecretary Erickson Balmes, kabilang ang pamilya ni Kerwin sa mga concern ng kagawaran dahil aminado silang delikado rin ang buhay ng mag-iina ng huli.

Aniya, pag-uusapan pa ng DoJ at PNP kung kanino ibibigay ang protective custody sa mag-iina ni Kerwin, bagamat kung magiging state witness si Kerwin ay awtomatikong nasa WPP na rin ang kanyang pamilya, ayon kay Balmes.

Napakahigpit ng seguridad na ipinatutupad sa pagbabalik-bansa makaraang mapatay ang kanyang amang si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, Sr. sa pagkakapiit sa Leyte Sub-Provincial Jail sa Baybay City nitong Nobyembre 5 makaraan umanong manlaban sa pagsisilbi ng search warrant ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Region 8.

(FER TABOY, AARON RECUENCO at BETH CAMIA)