SA pakikipagpulong ni Pangulong Digong sa mga mambabatas sa Malacañang noong Lunes, ipinakita niya ang ulat na may 15-sentimetrong kapal tungkol sa mga taong gobyerno na sangkot sa ilegal na droga. Kasama sa mga ito ang mga kapitan ng barangay, lokal na opisyal at pulis. Binanggit ng Pangulo na lumala ang problema ng droga sa Iloilo, Iligan at Marawi. Ayon kay Senate President Koko Pimentel, iniisip ng Pangulo kung ano ang mga armas at paraan na puwede nitong gamitin para masugpo ito.

“Kaya nagbanta ang Pangulo na sususpendihin niya ang writ of habeas corpus,” sabi ni Sen. Vic Sotto. Sa paraan kasing ito, aniya, puwedeng manghuli at magkulong kapag hindi nagtagumpay ang gobyerno sa pakikipaglaban nito sa droga.

Nasabi rin daw ng Pangulo na sa laki ng problemang ito ay baka pati martial law ay hindi sapat para masawata ito.

Tinalakay din sa nasabing pulong ang paglikha ng batas na nagbabalik sa parusang kamatayan. Ayon sa Pangulo, sa bansa nagnenegosyo ang mga sindikato ng droga dahil wala ritong death penalty.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: May ‘purpose’ na itinakda ang Diyos sa buhay mo

Hiningi rin ng Pangulo ang suporta ng Kongreso sa pagpapatayo ng karagdagang rehabilitation centers. Hindi niya raw alam kung saan siya kukuha ng pondo sa laki ng magagastos para sa rehabilitasyon ng mga lulong na sa droga.

Lumipas na ang tatlong buwan at patungo na sa ikaanim na buwan ang administrasyong Duterte. Ipinakikita niya na napakalaking problema ang ilegal na droga na ngayon lang niya nalaman pagkatapos niyang ipangako na susugpuin niya ito sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Sa inaasal at ikinikilos ng Pangulo, mukhang masisira siya sa kanyang pangako.

Galit siya sa lahat ng bumabatikos sa kanya dahil hindi raw niya iginagalang ang due process. “Maganda ang due process at Rule of Law,” wika ng Pangulo, “pero kailangang ibahin ang due process sa pakikipaglaban sa droga.”

Ang ibang due process na tinutukoy niya ay patayin ang lahat ng sangkot sa droga na inaaresto pero lumalaban. Nang simulan niya ang kampanya laban sa droga, ito ang due process na sinunod niya. Mayroon man o walang warrant of arrest o search warrant, patay ang gumagamit o tulak sa droga dahil nanlaban daw ito. Ganoon pa man, hindi kinakikitaan ng kasiyahan ang Pangulo na nagtatagumpay siya, bagkos pagkadismaya sa laki ng problemang nais niyang igupo.

Hindi ko ngayon alam kung mananatili o tataas pa ang napakataas nang approval rating ng Pangulo sa mga survey dahil sa pagmamantine niya ng peace and order sa bansa. Kasi, iba’t ibang krimen na ngayon ang sumusulpot. Ang kidnap-for-ransom na nangyayari ilang araw lang ang pagitan, holdapan at nakawan. Nakaririwasa na ang mga nabibiktima.

(Ric Valmonte)