IPINAGDIRIWANG ngayong araw ng mamamayan ng Sultanate of Oman ang ika-76 na kaarawan ni Sultan Qaboos, na isinilang noong Nobyembre 18, 1940. Pinakakilala bilang mapagbigay at mabait na pinuno na nagpaunlad sa bansa sa larangang panlipunan at pang-ekonomiya, naluklok si Sultan Qaboos bin Said bilang pinuno matapos patalsikin ang kanyang ama na si Said bin Taimu sa isang kudeta sa palasyo noong 1970.
Kasabay ng pagdiriwang ng kaarawan ng Sultan ay ang paggunita sa National Day ng Oman, na paggunita sa araw noong 1650 nang nakamit ng bansa ang kalayaan mula sa mga mananakop na Portuguese. Enggrandeng ipinagdiriwang ang dalawang selebrasyon, kung kailan nagiging makulay sa gabi ang kabiserang lungsod na Muscat.
Mayroong mga karera ng camel na may kasamang tradisyunal na sayaw. Naka-display din ang mga imahe ng Sultan at itinatampok ng pagdiriwang ang kaunlarang nagawa ng sultan para sa mamamayan ng Oman.
Ang Oman ay bansa na matatagpuan sa timog-kanluran ng Asia, sa timog-silangang baybayin ng Arabian Peninsula. May lupang hangganan ito sa United Arab Emirates sa hilagang-kanluran, Saudi Arabia sa kanluran, at Yemen sa timog-kanluran. Ang baybayin ay binubuo ng Arabian Sea sa timog at silangan, at ang Gulf of Oman ay nasa hilagang-silangan.
Matatagpuan din sa bansa ang Madha, isang enclave ng United Arab Emirates, at Musandam, exclave na nakahiwalay sa Emirati. Jebel Shams ang pinakamataas na bundok sa Oman at pinakapopular na destinasyon para sa mga manlalakbay.
Tampok sa kabiserang lungsod ng Muscat ang pangunahing mall, ang pinakamalaki na Muscat City Center na itinatag ng negosyanteng Emirati na si Majid Futtaim noong Oktubre 2001. Kabilang sa iba pang mga aktibidad na dinadayo ng mga turista sa Oman ay ang sand skiing sa disyerto, pag-akyat sa bundok, at karera ng camel.
Nagsimula ang diplomatikong ugnayan ng Oman at Pilipinas noong Oktubre 6, 1980. Sinaklaw na rin ng embahada ng Pilipinas sa Riyadh ang Oman hanggang noong Marso 1992 nang nagtatag ng embahada ang Pilipinas sa Muscat.
Sakop ng embahada ng Oman sa Kuala Lumpur ang Pilipinas hanggang nagbukas ang Omani embassy sa Maynila noong Hulyo 2013. Nagdaos ang Pilipinas at Oman ng ikalawang Philippines-Oman Informal Bilateral Consultations (IBC) sa Department of Foreign Affairs sa Maynila noong Pebrero 4, 2014, na tinampukan ng paglagda sa Memorandum of Understanding on Bilateral Consultation na nagtatag ng pormal na mekanismo na nagpapalawak sa pagtutulungan ng dalawang bansa sa larangang pulitikal, ekonomiya, kultura, teknolohiya, siyensiya, at edukasyon.
Hangad naming para kay His Majesty Sultan Qaboos bin Said Al Said ang lahat ng mabuti, pagtatagumpay at magandang kalusugan sa ika-76 niyang kaarawan at ipinaaabot ang ating pagbati sa mamamayan at Sultanato ng Oman sa pagdiriwang nila ng National Day.