Umusad ang nagtatanggol na kampeon na si Khim Iglupas ng Pilipinas sa quarterfinals, habang patuloy sa pagsikad ng bagitong si Shaira Hope Rivera sa girls singles sa ikatlong araw ng Phinma-PSC International Juniors Tennis Championships Week 1 sa Rizal Memorial Tennis Center.

kinailangan ng 18-anyos na si Iglupas na umahon mula sa 3-4 paghahabol sa ikalawang set upang talunin ang 15-anyos at ranked 1493 na si Shiori Ito ng Japan.

“Her opponent is really good. I was told that champion iyon sa Under 14 sa WTA. But good thing Kim knows what to do.

Iba na kasi ang game niya dahil variety na ang alam niyang shots as against other entries here,” sabi ni coach Jun Toledo.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Marami na po akong nakalabang Japanese at matitibay po talaga sila sa long game kagaya ng nakalaban ko. Ayaw po nila sa mga drop shots, slice o kaya iyong volley so iyon po ang ginawa ko. Pilit ko po siyang pinalapit sa net,” sabi ni Iglupas matapos ang isang oras at 12 minutong laro.

Unang tinalo ng top seed at 102 ranked na si Iglupas si Aniya Holloway ng USA, 6-0, 6-0.

Binigo naman ng 17-anyos mula Oroquietta, Ozamis City at ranked 1341 na si Rivera ang nakatapat na qualifier na si Mia Wong ng Hong Kong, 6-1, 6-1, upang umusad sa round of 8. Unang nagtala ng upset si Rivera matapos patalsikin ang seeded No. 7 at ranked 764 na si Jordan Harris ng USA, 7-5, 7-5.

Napatalsik din sa boys division ang Filipino-Italian na si Diego Garcia Dalisay na nabigo sa loob ng tatlong set kay Christian Didier Chin ng Malaysia, 1-6, 7-5 at 6-3. Sumunod dito si Manule Balce III na hindi nakaiskor kontra seeded No. 2 Seita Watanabe ng Japan, 6-0, 6-0. (Angie Oredo)