MABILIS na lumalago ang ekononomiya ng bansa at may mas mataas na Gross Domestic Product (GDP) rate, subalit hindi pa rin naaabot ng kaunlarang ito ang pinakamahihirap sa bansa. Ito ang sinabi ni Vice President Leni Robredo sa Ambisyon Natin 2040 Multi-Stakeholders Summit nitong Martes.
Batay sa huling ulat ng National Economic and Development Authority (NEDA), posibleng lumago ang ekonomiya ng mahigit pitong porsiyento sa ikatlong quarter (Hulyo, Agosto, Setyembre) ng taon, dahil sa nakagugulat na pagbawi ng sektor ng agrikultura, nadagdagan ang mga export, mas mabilis ang paggugol sa imprastruktura, at pagtatag ng paggastos sa bansa.
Sa nakalipas na dalawang taon ng nakaraang administrasyong Aquino, matatandaang umalagwa rin ang GDP sa mataas na antas, at dumating pa sa punto na pumalo sa 7.2 porsiyento, kaya naman kinilala ang Pilipinas bilang isa sa mga pangunahing ekonomiya ng Asia. Ngunit hindi pangkalahatan ang pagsulong na ito at tumugon ang masa, na madalas na nararamdamang hindi sila kabilang sa kaunlaran, sa pamamagitan ng pagboto para sa pagbabago.
Si Vice President Robredo ay kasapi ng LP administration ticket, bahagya nang nakalusot sa napakaraming bumoto sa kanyang katunggali noong eleksiyon, ngunit mistulang mas malapit siya sa masa sa mga lalawigan, kaya naman inihayag niya sa Ambisyon Natin Summit na milyun-milyong katao ngayon ang namumuhay sa kahirapan, malinaw na hindi naaapektuhan ng pagsipa ng GDP.
Nasa kasagsagan ngayon ang kampanya ng administrasyong Duterte laban sa droga, na naging sentro ng kampanyang pang-eleksiyon ng nahalal na Presidente. Sa nagiging takbo ngayon ng pagpupursigeng ito, unti-unting nalantad ang maraming iba pang problema ng bansa. Sa sangkatutak na problemang ito, ang suliranin sa talamak na kahirapan ang lumutang na pangunahing dapat tugunan.
Inaprubahan ng Pangulo at ng NEDA ang pitong pangunahing programang pang-imprasktruktura sa bansa na nagkakahalaga ng P270 bilyon sa kabuuan, at ipatutupad sa iba’t ibang panig ng bansa sa susunod na anim na taon. Kabilang dito ang isang proyekto sa Cordillera sa hilaga, isang railroad line sa Timog Katagalugan, at isang bagong international airport sa Cebu. Inaasahan ang iba pang proyekto kapag nagsumite na ng kani-kanilang panukala ang mga kumpanyang Chinese. Nagpalabas na ang NEDA ng mga panuntunan na gagamitin sa pagsusuri sa mga proyektong ito.
Ang pitong pangunahing proyektong inaprubahan ng NEDA, kasama na ang mga inaasahang proyektong pamumuhunan mula sa China, ay dapat na lumikha ng libu-libong trabaho, subalit ang dapat na pangunahing tutukan ng mga proyektong ito ay ang pagpapaunlad sa imprastruktura. Kaya sa panukalang Pambansang Budget para sa 2017, sinabi kamakailan ni Budget Secretary Benjamin Diokno na ang paggastos para sa mga proyektong pang-imprastruktura ay 41 porsiyentong mas mataas kaysa P631 bilyon inilaan sa imprastruktura sa sinusundang taon.
Sa kanyang mensahe sa State of the Union 2015, buong pagmamalaking ibinida ni United States President Barack Obama ang pagsulong ng ekonomiya ng Amerika. Ngunit mayroon din siyang espesyal na plano para lumikha ng mas maraming trabaho para sa mamamayan. Bukod sa pagpapaunlad ng imprastruktura, hinimok din niya ang mga negosyanteng Amerika na magtayo ng mga bagong industriya, huwag nang bigyang gantimpala ang mga kumpanyang nagbubukas ng sangay sa ibang bansa, at bibigyan naman ng pabuya ang mga mamumuhunan sa mga lokal na industriya. Mistulang determinado ang bagong halal na si President Donald Trump na tuntunin ang kapareho ng tinahak ni Obama, dahil na rin sa pagkakapanalo niya matapos mangakong ibabalik sa bansa ang mga Amerikanong kumpanya upang magkaloob ng hanapbuhay sa sarili nitong mamamayan, sa halip na sa mga dayuhan.
Maaari tayong magkaroon ng kaparehong programa na tututok sa trabaho. Posible nitong pagtuunan ang paglikha ng mga pagkakakitaan sa agrikultura at pangisdaan, sa manufacturing, sa turismo at sa iba pang mga serbisyo. Bibigyang-diin ang probisyon sa trabaho kaysa pambansang kaunlaran sa kabuuan, maaari tayong makalikha ng mahalagang solusyon sa suliranin ng kahirapan sa bansa. Hindi sapat na maiparamdam sa mahihirap ang pagsigla ng ekonomiya. Marapat na masusing planuhin ito upang matiyak na sila ang pangunahing makikinabang sa kaunlaran ng bansa.