Kung pagbabasehan ang huling naitalang pagsipa ng ekonomiya, pinatunayan ng administrasyon Duterte na hindi lamang ang maigting na kampanya sa droga ang inaatupag ng gobyerno.
“The Palace is pleased to announce that the country’s gross domestic product (GDP) grew strongly during the Third Quarter of 2016 at 7.1%,” sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar.
“This underscores that the Duterte Administration offers more than war on drugs and that we have a sound economic vision and agenda that will spur growth to benefit the lives of our countrymen especially the poor and the marginalized,” dagdag ni Andanar.
Sinabi ni Andanar na ang 7.1 percent growth rate ang pinakamataas simula noong ikalawang quarter ng 2013. Mas mataas din ito kumpara sa 6.2% porsiyentong GDP growth ng bansa sa kaparehong panahon noong 2015.
Ayon kay Andanar, ang pagsigla pa ng ekonomiya ay tinukoy ni Finance Secretary Carlos Dominguez na dahil sa paggastos ni Pangulong Duterte sa mga proyektong imprastruktura.
Dagdag pa niya, naniniwala rin ang National Economic Development Authority (NEDA) na makatutulong ang pagsipa ng GDP upang mabawasan ang kahirapan sa bansa.
‘VERY GOOD’
Kasabay nito, tumanggap din ang administrasyong Duterte ng “very good” net satisfaction rating sa unang tatlong buwan nito sa puwesto, batay sa huling survey ng Social Weather Stations (SWS) na inilabas kahapon.
Sa nationwide survey nitong Setyembre 24-27 sa 1,200 adult respondent, natukoy na 75% ang kuntento, 17% ang walang pasya, at walong porsiyento ang hindi nasisiyahan sa ginagawa ng gobyerno sa ikatlong quarter ng 2016.
Ang terminolohiya ng SWS sa net satisfaction ratings ay: +70 at higit pa bilang “excellent”; +50-+69 “very good”; +30-+49 “good”; +10-+29 “moderate”; +9 hanggang –9 “neutral”; -10 hanggang –29 “poor”; -30 hanggang –49 “bad”; -50 hanggang –69 “very bad”; at -70 pababa “execrable”.
Sa nasabing survey din ay tumanggap ang administrasyong Duterte ng “excellent” grade sa kampanya nito laban sa droga.
(Genalyn D. Kabiling at Ellalyn B. De Vera)