DAVAO CITY – Hinamon ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang mundo na susunod siya sa mga yapak ng Russia at China, sa gitna ng nagbabagong global foreign policy na may kaugnayan sa pamamayani ng United Nations at ng United States.

Nagpahayag ang Russia kamakailan na aalis na ito sa International Criminal Court.

Sa pagsasalita ni Duterte sa departure honors sa international airport ng Davao City kahapon, sinabi niya na wala siyang personal na kamalayan sa dahilan ng pag-alis ng Russia sa United Nations.

“I really do not know. Maybe to protect what they are doing in Syria and incessant bombing of civilians,” sabi ni Duterte.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Gayunman, muling pinuna ni Duterte ang pamamayani ng United States sa UN.

Sinabi ni Duterte na ang United States at ang mga bansang miyembro ng UN, ganoon din ang EU, ay ginagawang pangunahing isyu ang casualties sa kanyang War on Drugs sa kabila ng kakulangan ng resources na kinakaharap ng pamahalaan ng Pilipinas.

Sinabi ng pangulo na minamaliit ng ibang mga bansa ang mga problema sa Pilipinas.

“And mind you, sabi ng Russia, ‘we will protect you’.”

Samantala, nagbigay ng babala si Presidente Duterte sa mga lider ng iba’t ibang bansa na maaari niyang sundan ang Russia at China kapag nagtayo sila ng ‘new world order’.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Duterte na nakakapagmura siya sa ibang world leaders dahil ang ibang bansa “were not paying attention.” (Yas D. Ocampo)