Mahigit 40 koponan ang lalahok sa gaganaping Inter-Government at Inter-Commercial Chess Championships na hangad matulungan ang mga sundalo na nakabase sa artillery division sa Nobyembre 19-20 sa Gallery Hall ng Makati City Hall.
Unang isinagawa noong 2011 sa tambalan ng Artillery Foundation of the Philippines Incorporation (AFPI) at National Chess Federation of the Philippines (NCFP), ang torneo ay bukas sa lahat ng player na lalaro sa rapid at standard chess competition.
Ang tatanghaling kampeon, ayon kay NCFP executive director GM Jason Gonzales, ay mabibiyaan ng P20,000 kasama ang mga medalya sa pinakamahuhusay sa bawat board at individual players.
Magsisilbi rin ang torneo na pampainit para sa mga miyembro ng pambansang koponan at maging sa lahat ng mga nagnanais sumali sa isasagawang kambal na torneo na Philippine International Chess Championships sa Disyembre sa Subic Bay Freeport Zone.
Hangad naman ng nag-oorganisang AFPI na makakalap ng pondo para makapagpagawa ng kanilang simbolikong estatwa para sa lahat ng mga sundalo.
“This tournament also aims to promote brotherhood among members of the Artillery Foundation, and because we believe that chess is a game that helps develop our minds,” pahayag nina Col. Emmanuel Martin at retired Brig. Gen. Pedro Basbas ng AFPI. (Angie Oredo)