Malaking bahagi ng Metro Manila at mga karatig lalawigan nito ang nawalan ng kuryente kamakalawa ng gabi, bunsod umano ng pagbagsak ng ilang power plants.

Ayon sa Manila Electric Company (Meralco), 20 porsiyento ng suplay nila ng kuryente ang nawala matapos na magkaproblema ang ilang planta na nagsusuplay sa kanila ng kuryente, na nagresulta upang awtomatikong magkaroon ng power outage dakong 7:31 ng gabi.

Naibalik naman ang suplay ng kuryente matapos ang mahigit isang oras.

Sinabi ng Meralco na kung hindi naibalik ang normal power supply sa bansa bunsod ng pagbagsak ng ilang power plants ay mapipilitan silang magpatupad ng rotating power interruptions.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Nabatid na kabilang sa mga bumagsak na planta ng kuryente ay ang Sta. Rita (600 megawatts), San Lorenzo (526 MW), San Gabriel (420 MW), QPPL (452 MW), San Roque (95 MW), GN (151 MW), Limay A (27 MW), at Bacman (136 MW).

Sa kabuuan, umaabot sa 2,407 megawatts ang nawala sa Luzon dahil sa pagpalya ng mga naturang planta.

Sinabi ng National Power Grid Corporation (NGCP) at Department of Energy (DoE) na kasalukuyan na nilang iniimbestigahan ang naganap na power outage at target nilang mailabas ang resulta ng imbestigasyon bago matapos ang Nobyembre. (Mary Ann Santiago)