jona_please-crop-copy

SA kasalukuyang henerasyon ng mga singer, siya ang pinakamahusay.

Si Jona (unang nakilala bilang Jonalyn Viray) ang may pinakamalinaw at pinakamalinis na boses na hindi nababasag gaano man kataas ang tono. Perfect ang diction, timing, at hindi OA ang dating niya sa stage.

Sa unang tingin, akala mo pipitsugin, pero huwag iismolin, dahil kapag napanood ninyo siya sa personal, tiyak na pagkatapos ng isang kanta ay tagahanga na rin niya kayo.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Hindi kasi tulad ng iba na basta kumakanta lang si Jona, inuunawa niya ang bawat titik ng bawat piyesa niya, kaya lagi ring diretso sa puso at kaluluwa ang nakikinig ang anumang awitin niya. Power belter pero nagagawa pa rin niyang humaplos ng damdamin ng audience.

Maraming singers, pero iilan lang ang may gift. May gift si Jona.

Kaya naman nang dalhin sa ABS-CBN, hindi nagdalawang isip ang Star Music head na si Roxy Liquigan na tanggapin siya.

Hindi pa nag-isang taon simula nang lumipat si Jona sa kanyang bagong home studio, umaani na ng kabit-kabit na tagumpay si Jona. Siya ang kumanta ng theme song ng We Will Survive afternoon series, female counterpart ni Gary Valenciano sa love theme din na I’ll Never Love This Way Again ng blockbuster hit ng KathNiel na Barcelona: A Love Untold, naging interpreter sa Himig Handog P-Pop Love Songs 2016, at ang bahagi ng laging inaabangang Birit Queens ng ASAP.

Kamakailan ay pumirma na si Jona ng kontrata sa Star Music at Star Magic. Kasama niya sa pirmahan ang proud sa kanyang si Roxy Liquigan, Star Music audio content head na si Jonathan Manalo, ang kanyang Star Magic handler na si Love Capulong, at ang kanyang co-manager na si Arlene Meyer.

Habang busy sa recording ng kanyang album na malapit nang ilabas, paspasan din ang praktis ni Jona para sa Queen of the Night: Jona, ang kanyang unang solo concert bilang Kapamilya na gaganapin sa Nobyembre 25 sa Kia Theater.

“I’m very happy. Mas inspired pa ako to do my work here in ABS-CBN. Parang nag-umpisa na po talaga ang lahat,” sabi ni Jona sa kanyang contract signing.

Special guests ni Jona sa kanyang concert sina Jed Madela, Daryl Ong, at Ms. Regine Velasquez-Alcasid, sa direksiyon ni Marvin Caldita at musical direction ni Soc Mina, prodyus ng Star Events, Big Eyes Events & Productions, at Creative Media Entertainment, at co-sponsored ng PLDT HOME. (DINDO M. BALARES)