NANAWAGAN si Senate Minority Leader Ralph Recto para sa pagdedetalye sa bilyun-bilyong piso ng lump-sum appropriations sa panukalang Pambansang Budget para sa 2017. Ang pagdedetalye, aniya, ay makatutulong upang maiwasang tipirin ang paggastos sa mga operasyon ng gobyerno gaya ng nangyari sa huling taon ng nakaraang administrasyong Aquino.
Aabot sa P1 trilyon ng iba’t ibang lump-sum appropriations sa budget ngayong 2016 ang “not spent in time or in full,” aniya. Ito ay sangkatlong bahagi ng P3.002-bilyong budget ngayong taon. Dahil dito, maraming proyekto ang nabitin; karamihan ay hindi man lang nasimulan.
Sa panukalang P3.35-trilyong budget para sa 2017, sinabi ng senador na mayroong P135 bilyon capital outlay para sa Department of Education. Ito ay para sa pagpapagawa ng mga bagong gusaling pampaaralan sa iba’t ibang dako ng bansa, ngunit hindi naman tinukoy kung saan itatayo ang mga bagong gusali. Sinabi ni Recto na kung nakadetalye lamang ang napakalaking halaga na ito, hindi sana mangyayari ang malawakang pagkakaantala sa pagkumpleto sa mga gusaling pampaaralan sa nakalipas na tatlong taon.
Mayroong iba pang lump sums sa panukalang budget, kabilang dito ang P34.6-bilyon Local Government Support Fund, P5.4 bilyon para sa mga farm-to-market road ng Department of Agriculture, P3.7 bilyon para sa forest rehabilitation ng Department of Environment and Natural Resources, at P1.7 bilyon para sa libreng Wi-Fi. Kung nakadetalye ang lokasyon ng lahat ng proyektong ito, ayon kay Senador Recto, tiyak na hindi makalilimutan o maisasantabi hanggang sa tuluyan nang hindi maisakatuparan ang mga ito, kung igigiit lamang ito ng mga lokal na opisyal at mga residenteng makikinabang sa proyekto sa kinauukulang ahensiya ng gobyerno.
Ngunit ang mabilis na pagpapatupad sa mga proyekto ay isa lamang sa mga dahilan kung bakit dapat na nakadetalye ang lump sums sa budget. Higit na mahalagang dahilan ang transparency at pananagutan. Ang mga lump-sum budget ay maaaring ilaan sa ibang bagay na pinapaboran ng mga opisyal ng administrasyon. Halimbawa, ang P34.6-bilyon pondo para suportahan ang mga lokal na pamahalaan ay maaaring magamit ng ibang pamahalaang lokal kaysa iba. Mahalagang ikonsidera ito, lalo na sa taon ng paghahalal, gaya ng 2016.
Dahil sa napakalaking halaga ng pambansang budget — P3.35 trilyon para sa 2017 — wala marahil sapat na panahon ang Department of Budget and Management upang ilabas ang lump sums. Kailangang aprubahan ng Kongreso ang Appropriations Act bago ito magtapos para bigyang-daan ang mga holiday, upang kaagad na maipatupad sa pagsisimula ng bagong taon.
Kaya naman ipinanukala ni Senador Recto na matapos na pagtibayin ang panukalang budget ay marapat na kaagad na itala ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno ang mga proyektong pinaglaanan ng bawat lump sum. Ngunit fall back lamang ito. Pinakamainam pa rin ang alisin ang lahat ng lump sum sa budget upang bigyang kabuluhan ang prinsipyo na hawak ng Kongreso ang kontrol sa lahat ng pera ng gobyerno, alinsunod sa Konstitusyon. Dapat na tiyakin ng mga nangangasiwa sa pamahalaan na ganito rin ang gagawin sa mga susunod na budget.