Handa ang pamahalaan na bigyan ng witness protection sina Ronnie Dayan at Kerwin Espinosa, basta makikipagtulungan lang ang mga ito sa gobyerno sa pagsasampa ng kaso laban sa mga opisyal ng pamahalaan na sangkot sa ilegal na droga.

Ito ang tiniyak ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, kasabay ng pahayag na may matibay na silang kaso laban kay Senator Leila de Lima.

“We were offering the protection of the WPP to Kerwin Espinosa, even to Ronnie Dayan, as long as they are cooperative and that they will be qualified to be accepted, to be admitted under our Witness Protection Program,” ayon kay Aguirre sa press briefing sa Malacañang.

Si Dayan ay dating drayber ni De Lima, na ayon sa Senadora ay nakarelasyon niya.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Magugunita na sinabi kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Dayan ang kumulekta ng milyones sa mga drug lords sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP) na ginamit umano sa senatorial campaign ni De Lima. Ito ay mahigpit na pinabulaanan ng huli.

Si Espinosa naman ay drug lord umano sa Visayas at iniuugnay rin ang aktibidad kay De Lima.

Hindi naman nasosorpresa si De Lima kung bibigyan ng proteksyon si Espinosa.

“Para na naman ituro naman ako. Kasi, otherwise manganganib na naman ang buhay niya,” reaksyon ni De Lima.

Kerwin kakanta

Handa naman umano si Espinosa na ihayag ang lahat ng kanyang nalalaman, isailalim lang siya sa witness protection program, ayon naman kay Philippine Ambassador to the United Arab Emirates Constancio Vingno Jr.

Si Espinosa ay nakatakdang dumating ngayon sa bansa, mula sa Abu Dhabi, kung saan siya nasakote.

“His request is to be placed under the Witness Protection Program and he will tell all,” pahayag ni Vingno sa DZBB.

Sila ang mag-resign

Hinggil sa panawagang mag-resign na sa posisyon, sinabi ni De Lima na “desisyon ko ‘yun. Walang pwedeng pumilit sa akin dun. No one can judge me on my morality, you know.”

“Sila dapat ang nagre-resign sa ginagawa nila eh. Wala silang qualms about doing all these things na ginagamit nila ‘yung buong machinery, resources ng Executive department (against me). As I said, sa’kin lang sila nakatuon,” dagdag pa ni De Lima.

Walang pagsisisi

Wala ring bahid ng pagsisisi si De Lima sa pag-amin niya ng relasyon nila ni Dayan noon, na ayon kay Aguirre ay lalong nagpatibay sa alegasyon sangkot sa illegal drug trade ang Senadora.

“I can’t be truthful in one aspect, and untruthful in another. I’ve been very truthful about my innocence ko on the allegations against me about my alleged drug trade. I can’t be untruthful with respect to my personal life,” ani De Lima.

“Tinanong ako ng diretso, so sinagot ko ng diretso because I don’t lie,” ayon pa sa Senadora, kasabay ng depensang annulled naman ang kasal niya sa dating asawa at hiwalay din sa asawa si Dayan.

Si Dayan na mayroon nang P1 milyong reward sa sinumang makakapagturo sa kanya, ay nagtatago lang sa loob ng bansa.

Nabigo umano ang National Bureau of Investigation (NBI) sa naunang manhunt na inilunsad laban sa kanya.

(GENALYN D. KABIliNG at LEONEL M. ABASOLA)