NASA 26 na milyong katao ang nalulugmok sa kahirapan kada taon dahil sa mga kalamidad, habang mahigit $500 billion naman ang nababawas sa gastusin, higit na mas malaki sa pinsala ng pananalasa sa mga ari-arian, ayon sa ulat ng World Bank.
Inaasahang tataas pa ang nabanggit na bilang sa mga susunod na dekada habang pinatitindi ng climate change ang mga bagyo, buhawi, baha at tagtuyot, ayon sa report na isinapubliko kasabay ng climate talks ng United Nations sa Marrakesh, Morocco.
Hanggang ngayon, ang pandaigdigang taya sa halaga ng pinsalang idinulot ng mga kalamidad sa mga komunidad ay hindi pa rin aktuwal na matukoy dahil sa hindi pagkakapare-pareho ng yaman ng mga apektadong bansa, ayon sa 190-pahinang report na “Unbreakable: Building the Resilience of the Poor in the Face of Natural Disasters”.
Ang bagong paraan ng paghahanda sa mahihirap laban sa kalamidad ay may malaking implikasyon kung paano at saan pinakamainam na ilaan ang gastusin sa paghahanda sa mga lungsod at matataong lugar upang hindi masyadong matindi ang maging epekto sa mga ito ng mga kalamidad.
“One dollar in losses does not mean the same thing to a rich person as a poor person,” paliwanag ng pangunahing may akda na si Stephane Hallegatte. “The same loss affects poor and marginalised people far more because their livelihoods depend on few assets, and their consumption is closer to subsistence level.”
Sa kasalukuyan, ang isang gobyernong nagpapasya kung saan magtatayo ng imprastruktura upang makaiwas sa baha ay tiyak nang papaboran ang isang mayamang distrito na nagtala ng $20 million halaga ng pinsala sa kalamidad, kaysa lugar ng maralita na nasa $10 million ang kabuuang pinsalang natamo.
Sa kabuuan, ayon sa report, malawakan ang pagmamaliit sa aktuwal na pinsalang natatamo ng mga sinasalanta ng kalamidad.
Sa pag-aaral kamakailan ng United Nations sa 117 bansa, kapwa mayaman at mahirap, ang kabuuang taya sa pandaigdigang pagkalugi sa mga kalamidad ay nasa $327 billion kada taon.
Subalit kung isasama ang nawalang gastusin—halimbawa’y hindi na talaga makaya pa ang pagpapagamot ng sakit at pag-aaral na dati’y bahagya nang maigiit—ang kabuuang halaga ay papalo sa $520 billion kada taon, ayon sa World Bank.
Batay sa isang pandaigdigang survey sa 1.2 milyong tao sa 89 na bansa, natukoy din ng report na nasa 26 milyon ang tuluyang masasadlak sa kahirapan bawat taon dahil sa pananalasa ng kalamidad. (Agencé France Presse)