DAVAO CITY – Inihayag ng City Prosecutor’s Office na sinabi sa pulisya ng tatlong suspek sa pambobomba sa night market nitong Setyembre 2 na may 13 pang katao ang kasabwat sa nabanggit na pag-atake.
Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Martes, sinabi ni Prosecutor Nestor Ledesma na isinasapinal na ng prosekusyon ang bilang ng mga personalidad sa listahan ng mga posibleng suspek sa nabanggit na pagsabog.
Sinabi ni Ledesma na nagbanggit pa ng 13 katao ang tatlong naarestong suspek, batay sa extra-judicial confession na isinumite ng mga ito nitong Lunes.
Sa ngayon, mahigit 20 pangalan na ang nadawit sa kaso, at siyam sa mga ito ang paunang suspek.
Pito sa nasabing bilang ang dinakip ng mga awtoridad sa magkahiwalay na operasyon.
“So in consonance with due process, we have to conduct another preliminary investigation of these additional 13 respondents,” sabi ni Ledesma.
Ayon kay Ledesma, nagpadala na ng mga subpoena ang panel ng mga prosecutor upang matukoy ang naging papel ng 13 bagong suspek sa insidente.
“Thereafter, mafa-finalize na natin,” ani Ledesma.
Labinlima ang nasawi sa insidente, habang 69 na iba pa ang nasugatan.
Kabilang sa mga nasawi ang isang 12-anyos na lalaki at isang sanggol sa sinapupunan ng nasawi rin niyang ina.
(Yas D. Ocampo)