NO doubt, si Vilma Santos ang isa sa pinaka-successful hindi lang bilang artista at public servant kundi bilang tao, ina, asawa, kaibigan, at Pilipina. Inspiring ang kanyang struggle para magtagumpay sa buhay.
Huwaran si Ate Vi ng isang Pinay na naabot ang full human potential dahil hindi siya tumitigil na hamunin ang sarili.
Sa katunayan, tuwing iniinterbyu namin siya, palagi niyang nababanggit na masusi niyang pinag-aaralan ang kanyang ginagampanang tungkulin, sa pelikula man o sa tunay na buhay. Ginagamit niyang lakas ang kanyang kahinaan.
Sa kabila ng kalagayang pinapangarap lamang maabot ng ibang tao, itinuturing niyang estudyante pa rin siya ng buhay.
Naging box-office star kasabayan ni Nora Aunor noong dekada 60-70s, nagkaroon ng grand slam awards for best actress, at nasa gitna ng kasikatan nang agawin siya ng kanyang passion na magsilbi sa kapwa, kaya pumayag siyang pumalaot sa mundo ng pulitika.
Unang nagsilbi bilang mayor ng Lipa for three consecutive terms, tinapos din ang tatlong termino as Batangas governor, at ngayo’y naglilingkod sa lone district ng Lipa bilang congresswoman.
Ngunit sa kabila ng kanyang tagumpay, iilan lang sa atin ang nakakaalam na sumadsad din ang Star for All Seasons sa pinansiyal at pampersonal na aspeto ng kanyang buhay. Dekada 80, nabaon sa utang si Ate Vi nang pasukin niya ang film production. Pero isinilang siyang fighter, determinado, at hindi marunong sumuko, hangga’t humihinga. Matapang niyang hinaharap ang mga problema na alam niyang may solusyon lahat, sa tulong ng Panginoong Diyos.
Nang kapanayamin namin si Cong. Vi nitong nakaraang Lunes sa Kongreso, itinanong ng aming editor na si DMB kung paano siya muling bumangon mula sa pinakamalakas na dagok na iyon sa buhay niya.
“Doon ako natuto,” umpisang sagot ni Ate Vi, “’Yon ‘yong expensive education, kasi no’ng magkautang-utang ako, 1981 pagkapanganak ko kay Lucky (Luis Manzano). Taong 1980-81 ‘yun, eh, buntis ako no’ng malaman ko ‘yung utang ko. Kaya tinawag kong expensive education kasi noon wala akong alam, basta pirma lang ng tseke, bahala na.”
Sa halip na panghinaan ng loob, ginamit niyang tuntungan ang mabigat na problema para matuto.
“Up to the last centavo dapat alam ko kung saan napupunta. Usapan namin ganito, ‘pag meron akong marketing, meron akong groceries, halimbawa, may ten thousand na ‘pag nag-grocery ka, ‘pag sumobra kahit piso sa resibo, ibalik mo sa akin ‘yung piso. Alam mo ibig kong sabihin? That’s accounting. Pero ‘pag ako naman may ibinigay sa ‘yo, bigay ‘yun, walang hinihinging kapalit ‘yun kasi bigay ko ‘yan sa ‘yo. Pero ‘pag may sukli, ibigay mo sa akin up to the last centavo kasi accounting ‘yun.
“Iba ‘yong bigay ko sa yo, ‘wag mong tatanawin na utang na loob kasi bigay ko ‘yan sa ‘yo. ‘Yun ang panuntunan ko, kaya expensive, bago ko natutunan ito, nagkautang-utang ako. That time, 1981, almost 8 million (P8M) ang binuno ko.”
Nag- zero balance daw ang kanyang account sa bangko.
“Frozen ang account ko, may BIR na ako, may utang pa ako sa bangko. ‘Yung taniman ko sa na almost four hectares sa Tanay, Rizal with 52 mango trees, inilit ng bangko . Bahay ko sa Marikina, nailit ng bangko. Sa Tahanan Village, may bahay din ako, inilit ng bangko. Paano ka ‘di matututo?” pagbabalik-tanaw ni Cong. Vi.
Saan siya tumira nang kabigin ng bangko ang mga bahay niya?
“‘Yung bahay na pinakasuwerte kong bahay sa Magallanes, kasi paglipat ko do’n nakarekober ako nang paunti-unti.
‘Tapos ‘yung Magallanes na ‘yun, may utang pa sa bangko na one million ‘yun. Pero naalala ko kasi no’ng binayaran ko na ‘yung almost eight million (P8M) na utang ko sa paggawa ng mga pelikula... nu’ng makuha ko ‘yung letter sa harapan ng tokador ko, last payment fifty thousand (P50,000) bayad na ‘yung utang ko sa Magallanes. Sabi ko, ‘Oh,my God!’ Doon na ako nakahinga. Since then up to now, I manage my own finances.
“Sabihan n’yo ‘ko na makulit, na makuripot na ganyan, wala, it’s part of my education. Kaya naman, modesty aside... hindi ko sasabihing ako’y bilyonaryung-bilyonaryo na pinakamayaman, pero at least now I manage my own finances and I’m living comfortably,” masaya niyang kuwento.
Puwede na ba niyang pagtawanan ang kanyang pinagdaanan?
“Diyos ko, sa pagod ko, ilang taon, ilang dekada na ako sa show business,” sagot ni Ate Vi sabay tawa.
Puwede ba niyang ibinahagi ang secret of success niya?
“Acceptance and learn. Kasi no’ng time na sinasabihan na ako ni Manay Ichu (Marichu Vera Perez-Maceda), ‘Harapin mo ‘yung bangko mo, ang laki na ng utang mo sa bangko, tutulungan kita’.”
Pero sa halip na harapin ang concern ni Manay Ichu...
“Naglayas ako, pumunta ako ng Baguio. ‘Yung ayaw harapin, kasi sinabi ni Manay, ang laki na ng utang mo, may sulat ka na, iilitin na... ayoko, ginawa ko tumakas ako. ‘Sasamahan kita’ sabi ni Manay Ichu. Ang ginawa ko tumakas ako, pumunta ako ng Baguio. At bago ko hinarap ang problema, nagdoble-doble na. Ang nangyari, for me to recover...
acceptance. ‘Ang laki-laki na ng utang ko, paano ko bubunuin ‘to?’ Kapapanganak ko lang kay Lucky.
“Tinulungan ako ni Manay Ichu at saka ni Atty. Espiridion Laxa at nakipagmiting ako kay Boss Vic (del Rosario) at Mother Lily (Monteverde). Ask them, na kumontrata ako sa kanila, four pictures (kay Boss Vic) and four pictures (kay Mother Lily), and another four pictures na ang kontrata. Ang suweldo ko, diretso sa bangko, wala dito (iminuwestra sa kanyang kamay),” ani Ate Vi.
Nasaan ang kanyang asawa noon na si Edu Manzano noong panahong problemado siya sa utang?
“Kaya kami naghiwalay, di ba?” napatawang sagot ng Star for All Seasons. “Hindi pa naman ganu’n kasikat si Edu.
Willing siyang tumulong pero empleyado lang siya sa Makati no’ng 80-81. Hindi pa siya ganu’n (ka-stable). Gustong-gusto niya akong tulungan pero sa laki ng utang ko, paano naman niya masasagot lahat?
“Gusto man akong tulungan ni Edu, kahit ‘yung suweldo niya hindi kayang bayaran ang utang ko. Kasi hindi pa siya artista no’n, bago pa lang kami gumawa ng pelikula, model-model pa ‘yan ni Christian Espiritu.”
Nagbida si Edu sa Alaga, ang una nitong pelikula, pero maliit pa ang talent fee ng mister niya noon.
“Eh, wala akong choice but to work. And then doon naman siya nadiskaril kasi ‘yung wife na inaasahan niya,wala, nasa trabaho. Sa madaling salita, it affected my marriage.
“Para lang ako makabawi, pati na ‘yung Sundays ipinasok ko ‘yung Vilma show. Na, usually, every Sunday, may lunch kami sa parents niya. Ang Sunday sa kanya, family day. Pati Sunday na ‘yun na lang ang natitira sa amin, ‘binigay ko pa sa TV show, do’n na lang ako pupuwedeng sumuweldo,” paliwanag ni Ate Vi.
Bukod sa kanyang mga pagsisikap, nakabangon siya, “Sa awa ng Diyos,” masaya niyang sabi.
Sa naging struggle niya, naisipan ba niyang sumuko?
“Hindi!” matatag na sagot niya.
Wala sa bokabularyo ni Vilma Santos ang pagsuko sa laban ng buhay. (ADOR SALUTA)