Kalaboso ang isang tattoo artist matapos umanong sakalin ang isang Grade 1 pupil habang kumakanta ang huli ng ‘Tatlong Bibe’ sa harapan ng isang tindahan sa Sta. Mesa, Maynila, nitong Lunes ng umaga.
Nahaharap sa kasong physical injuries in relation to Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law ang suspek na si Florante Contemplacion, 55, binata, ng 23 Santol Street, Sampaloc, Maynila.
Inaresto si Contemplacion matapos ireklamo ng lalaking biktima, 8, ng Sta. Mesa, Maynila.
Batay sa report ni Police Supt. Olivia Sagaysay, ng Manila Police District (MPD)-Station 8, dakong 11:00 ng umaga, nakatayo ang biktima sa harapan ng isang tindahan sa Anonas St., Old Sta. Mesa at kumakanta ng Tatlong Bibe nang lapitan at sakalin ng suspek.
Nang makawala ay kaagad na nagsumbong ang biktima sa kanyang ina at sinabing sinakal siya ng isang lalaking puno ng tattoo sa katawan.
Kinumpronta umano ng ginang ang suspek na nauwi sa pagtatalo dahilan upang awatin sila ng mga barangay official at dalhin sa barangay hall upang mag-usap ngunit hindi nakipag-areglo ang ginang at nagpasyang magsampa ng kaso laban sa suspek. (Mary Ann Santiago)