IDINAOS kamakailan ang isang pagtitipon upang gunitain ang pananalanta ng bagyong ‘Yolanda’ tatlong taon na ang nakararaan. Ayon sa United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs (UN-OCHA), 9.9 na milyong tao ang naapektuhan at mahigit 600,000 ang nawalan ng tirahan.
Ang naturang bagyo ay itinuturing na isa sa pinakamalakas at pinakamapaminsala na naitala sa kasaysayan sa buong daigdig.
Sa paggunita sa bagyong Yolanda, maaari rin nating repasuhin ang mga naging problema sa pagtugon dito at sa mga programa sa rehabilitasyon, sa layuning lalo pang mapalakas ang kapasidad kapag nagkaroong muli ng kalamidad.
Ang malungkot na bahagi ng kuwento ng Yolanda ay ang patuloy na paghihirap ng ating mga kababayan kahit tatlong taon na ang nakalipas. Ayon sa mga lokal na opisyal, marami ang muling nagtayo ng pansamantalang tirahan sa mga lugar na ipinagbabawal, gaya ng baybayin sa Tacloban.
Marami rin ang dumaraing dahil hindi pa sila nabibigyan ng permanenteng tahanan. Ayon sa kanila, mabagal ang pamahalaan sa pagtatayo ng bahay para sa mga nakaligtas sa bagyo ngunit nawalan ng tirahan. Ang iba naman ay dumaraing dahil sa kakulangan ng oportunidad para sa kabuhayan.
Dapat tugunan ang mga daing na ito. Nagagalak ako at nangako si Pangulong Duterte na gagamitin ang lahat ng resources ng pamahalaan upang matugunan ang pangangailangan ng mga sinalanta ng bagyo.
Sa ikatlong anibersaryo ng bagyong Yolanda, pinili kong gunitain ang katapangan ng mga biktima, na agad nagsikap na makabangon pagkatapos ng trahedya.
Ang mga bayaning ito ay nanangan sa pananampalataya, pag-asa at katapangan. Malinaw pa sa aking alaala ang pagdalaw ni Pope Francis sa Tacloban noong Enero 2015, na sinalubong ng mga biktima ng bagyo at nagtipon sa kabila ng malakas na ulan.
Masakit man ang idinulot ng bagyo, nagagalak ang aking puso kapag nakikita ko ang mga tao na ginagamit ang sipag at tiyaga upang bumangon mula sa kalamidad. Ang trahedya ay nagbubunga ng kalungkutan, ngunit nagbibigay din ng oportunidad upang umangat ang mga bayani.
Sa anibersaryo ng bagyong Yolanda, alalahanin natin ang mga namatay at bigyang-pugay ang mga nakaligtas, na patuloy na itinatayong muli ang kanilang buhay.
Ipagdiwang din natin ang katapangan at kabutihang-loob ng mga tumugon at patuloy na tumutulong sa mga biktima ng kalamidad. Kabilang dito ang mga ahensiya ng pamahalaan, non-government organization, mga organisasyon sa ibang bansa, mga negosyante at ordinaryong mamamayan na tumulong sa iba’t ibang paraan.
Sa aking pananaw, ito ang kalikasan ng mga Pilipino. Sa kabila ng ugali nating pintasan ang ating sarili, naniniwala ako na dakila ang ating bansa, at lalong dakila ang mga Pilipino.
(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph) (Manny Villar)