DINIG sa Instagram video na ipinost ni Robin Padilla ang unang iyak ng unang sanggol nila ni Mariel Rodriguez.

Nasaksihan din ng action superstar ang pagsilang ng baby dahil napanood niya ito sa Skype simula sa pagli-labor ni Mariel hanggang iluwal ang bata.

“Hayan na, lumabas na,” sambit ng brand new daddy sa kanyang video post. Sinundan niya ito ng pagbigkas ng dasal sa Muslim.

Nanganak ang TV host sa Amerika nitong November 14 (US time) ng isang malusog na babae, bandang 7:56 ng umaga.

Rochelle Pangilinan, inspirasyon ang BINI sa reunion concert ng SexBomb

Tumitimbang si Baby Maria Isabella ng 7.3 pounds, may habang 20 inches, normal delivery pero tumagal ng exactly 21 hours, ayon na rin sa video caption ni Binoe.

Hindi man nakikita sa video ang reaksiyon ni Robin pero ramdam din naman ang saya niya sa pagsilang ni Mariel ng isang malusog na babae. Higit na magiging masaya sana kung nakakuha ng US visa ang aktor at personal niyang nasaksihan ang panganganak ng asawa at siya mismo ang nagputol ng ambilical cord ng bunsong anak.

To this day, wala pa ring kasiguraduhan kung mapagbibigyan ng embahada ng Amerika ang kahilingan ni Robin na makakuha ng visa at masundo ang kanyang mag-ina. Pinakamasakit, hindi man aminin ng aktor, na siguro ‘yung wala siya sa tabi ng misis habang naghihirap sa sakit ng pagli-labor at madamayan ito sa paghihirap.

Sa tulong ng teknolohiya, nasaksihan pa rin ni Robin ang panganganak ng asawa at nagpapasalamat siya sa dalawang doktor na umalalay sa pagsilang ni Mariel.

“Tanggapin po ninyo ang aking paggalang at malalim na pasasalamat Dra. Eileen Manalo at Dra. Mangubat at higit sa lahat ako’y nagpupugay at naglulumuhod sa lahat ng mga Pilipino sa buong mundo na nagdasal at nagsalmo para maging maayos ang kabanata na ito sa buhay ni @marieltpadilla at ni Maria Isabella de Padilla. Mabuhay po kayo!”

Ipinaaabot din ni Robin ang pasasalamat sa mga taong naging katuwang ni Mariel sa paghihirap sa pagbubuntis hanggang mailuwal ang unang sanggol nila ng asawa.

“Nagpapasalamat po ako sa mga taong inyong inalay sa amin upang maalagaan ang aking asawa sa kanyang maselan na pagbubuntis hanggang sa panganganak. Ako ay nagpupugay sa iyo Tita Maricon Termulo at Eric Tamesis na nagsilbing hotel ang kanilang bahay, naging driver bodyguard ang buong pamilya at higit sa lahat ay ang haplos ng isang ina at sa iyo, Sir Abellardo Termulo sa pagpapakita ng iyong pagmamahal at suporta sa iyong anak, wala po kayong katulad isa po kayong alamat sa pagiging ama at bilang lolo ni Maria Isabella ay sinamahan mo siya sa pagtawid mula sa sinapupunan hanggang sa pagsilang, isa pong karangalan na kayo ang pumutol ng umbilical cord,” bahagi ng madamdaming video caption ng aktor.

Mula sa Balita, congratulations Robin and Mariel! (LITO MAÑAGO)