IBANG mukha ni Donald Trump ang nasilayan ng mundo nang magsalita siya sa telebisyon tungkol kay Hillary Clinton, na tumawag sa kanya upang aminin ang pagkatalo at batiin siya sa pagkakahalal sa katatapos na eleksiyon sa pagkapangulo ng United States. Wala na ang galit at mayabang na kandidatong si Trump na walang habas kung makasambit ng kung anu-anong patutsada at bansag, gaya ng “Crooked Hillary”. Sa halip, siya ay maalalahanin, may simpatiya at mabait.
“Hillary called,” aniya, “and it was a lovely call. It was a tough call for her. I mean, I can imagine, tougher for her than it would have been for me. I mean, for me, I would have been very difficult.” Dagdag pa niya: “She couldn’t have been nicer. She just said, ‘Congratulations, Donald. Well done.’ She is very strong and very smart.”
Nangyari ito ilang oras pagkatapos na makumpirma sa resulta ng eleksiyon sa bansa na natamo ni Trump ang kinakailangang bilang ng Electoral College votes — 270 — upang maihalal bilang bagong presidente ng Amerika.
Binibilang pa ang mga boto sa ilang estado sa kanluran at nanguna pa nga si Hillary sa bilang ng mga indibiduwal na boto, ngunit sa halalan sa Amerika, ang boto sa US Electoral College ang binibigyan ng bigat.
Tinanggap siya ni President Barack Obama sa White House nitong Huwebes. Nagpalitan ng maaanghang na komento ang dalawa noong panahon ng kampanya, ngunit ngayon, isinantabi nila ang kanilang pagkakaiba, at tiniyak ni President Obama kay Trump na gagawin niya ang lahat upang matulungan si Trump na magtagumpay. Mistulang kabado naman si Trump at kakatwang walang kibo. Kalaunan, sinabi niyang ang nasabing paghaharap ay isang malaking karangalan para sa kanya at, “I look forward to dealing with the president in the future, including counsel.”
Ang huling kampanya para sa eleksiyon sa Amerika ay inilarawan bilang isa sa pinakanagwatak-watak sa bansa sa buong kasaysayan nito. Nagbunsod din ito ng mga pangamba para sa maraming pinuno sa mundo dahil sa banta ni Trump na babawiin niya ang suporta ng Amerika sa North Atlantic Treaty Organization (NATO), ipagbabawal ang lahat ng Muslim sa pagpasok sa United States, kasama na ang mga immigrant mula sa mga “terrorist states” tulad ng Syria, Iraq, at Pilipinas, at magtatayo ng pader sa katimugang hangganan ng bansa upang hindi ilegal na makapasok sa Amerika ang mga Mexican at iba pang Latin American.
Simula nang mahalal, malaki ang ipinagbago ni Trump at seryosong ikinokonsidera ang mga nauna na niyang posisyon sa nabanggit na mga usapin. Sa Obamacare, halimbawa, sinabi niyang pinag-iisipan niyang baguhin ang paninindigan niya laban dito at nais ngayong panatilihin ang mga pangunahing probisyon ng naturang programang pangkalusugan. Sa mga susunod na linggo at buwan, posibleng makita natin na tatalikuran na ni Trump ang pagbibitiw ng mga nakaiinsultong pahayag gayundin ng mga radikal niyang opinyon bilang kandidato, at magiging isang tunay na statesman at presidente ng Amerika na handang pamunuan ang buong mundo.