SA pag-iikot at pagbisita ko sa mga kaibigan kong pulis at militar sa kanilang mga opisina sa iba’t ibang istasyon at kampo rito sa Metro Manila, kapansin-pansin ang sobrang taas na morale ng sampu nilang tauhan.

Dati ko nang hinahanap sa kanilang pagkilos ang ganitong estado, lalo na sa kanilang pagtugon sa mga sumbong ng mga nasasakupan nilang mamamayan, na sa pakiwari ko noo’y kulang na kulang. Ngunit ngayong ramdam ko na ang init at taas ng lebel ng kanilang morale –parang bigla akong kinabahan, natatakot na waring ‘di ko maintindihan.

Kapag nagkakabiruan nga, ito ang madalas na naririnig ko sa kanila – “mataas ang HIGH MORALE namin, ‘di kami basta-basta iiwan sa ere ni Digong.”

Unti-unti kong naramdaman ito nang maging bukambibig ni Pangulong Rodrigo R. Duterte (PRRD), sa pag-iikot niya sa mga kampo ng militar at istasyon ng pulis, ang pagsasabing huwag matakot sa pagtupad sa kanilang tungkulin at suportahan siya sa kanyang kampanya laban sa ilegal na droga, dahil hinding-hindi niya sila pababayaan – handa raw siyang magpakulong para sa kanilang magiging kaso sa kampanyang ito laban sa sindikato ng ilegal na droga sa buong bansa.

Ka-Faith Talks

#KaFaithtalks: Puro blessings ang gusto, pero good steward ka ba?

Sino nga bang pulis at militar ang hindi maha-HIGH MORALE sa mga pangakong ganito ng kanilang Commander-in-Chief, idagdag mo pa ang sinasabing umento sa sahod at mga benepisyong matagal na nilang hinihingi sa mga nakaraang administrasyon, ngunit palagi umanong pangakong napapako.

Sa pagkakatanda ko, parang ganito rin kataas ang morale ng mga pulis at militar noong mga unang taon ng Dekada ‘70 – kabi-kabila ang nadudukot, nawawala at naglulutangang bangkay sa Ilog Pasig at mga estero sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila, nasundan pa ng sunud-sunod na pagsabog – at ang pinaka-finale, ang pagdeklara ni Pangulong Marcos ng martial law – sa ilalim nito, mula sa pagiging HIGH MORALE ay naging abusado na ang ating mga pulis at militar.

Kamakailan lang, medyo nakababahala na rin ang pag-anunsiyo ni PRRD na gusto niyang ibalik ang mga pulis sa ilalim ng militar, kagaya noong panahon ng rehimeng Marcos na nasa ilalim ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Philippine Constabulary – Integrated National Police (PC-INP).

At ang medyo nagpatindig sa aking mga balahibo, ewan ko lang sa inyo kung may epekto ito, ay ang walang kagatul-gatol na pagsasabi ni PRRD na isususpende niya ang “writ of habeas corpus” – ang tanging panangga nating mga mamamayan sa ilegal na pag-aresto at pagkakakulong kahit wala pang kasong kinakaharap…nakakakaba ‘di ba?

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)