DAPAT yatang paalalahanan ang celebrities na nagsasama ng mga anak sa kanilang events na pagsabihan ang mga ito na matutong ngumiti o bumati sa mga taong ipinapakilala nila para naman hindi nasasabihang, ‘ano ba ‘yun, hindi man lang marunong bumati o ngumiti.’
Marami na kaming naoobserbahang celebrities na kapag kasama ang mga anak sa event o maging kapag nasasalubong sa pagmo-malling ay hindi man lamang bumabati o ngumingiti kapag ipinakikilala. Hindi namin mawari kung nahihiya o sadyang wala silang manners.
O feeling siguro nila cool ang nakaismid o asta na para bang wala silang pakialam sa mundo.
Nakita namin kamakailan ang isang news anchor sa isang event kasama ang dalawang anak, at nang makita ang mga kaibigan ay ipinakilala ang mga anak. Pero dedma ang mga bagets, at hindi man lang bumati o ngumiti.
Hindi naman masasabi na mga wala pang muwang sa mundo dahil teenagers na. Kaya ang ending, pinagbubulungan tuloy ng ibang tao ang mga anak ng news anchor.
Dito naman kami bilib sa mag-asawa na parehong konektado sa news na sa tuwing makikita naming kasama ang kanilang mga anak ay parating nakangiti sa tao, lalo na kapag kakilala ng magulang nila.
‘Yan ang may manners, di ba, Bossing DMB?
May isa pa kaming nakitang mag-ina sa isang sikat na boutique at nu’ng nakita kami ay bumeso sa amin at ang anak naman ay nagmano sa amin. O, di ba, napakagandang gesture, senyales ng bata na pinalaking maayos ng kanyang mga magulang. (Reggee Bonoan)