Isang panalo na lamang ang kailangan ng basketball defending champion Centro Escolar University, Chiang Kai Shek College at De La Salle Zobel upang mapanatili ang kani- kanilang hawak na titulo sa 47th WNCAA season.
Naghahangad ng ika-6 na titulo sa seniors division, tinalo ng CEU ang Philippine Women’s University, 68-35, sa nagdaang weekend sa Rizal Memorial Coliseum.
Tumapos si last season Most Valuable Player Cristine Caranto na may 14 puntos habang nagdagdag si Mary Ann Doloque ng 13 puntos para sa Scorpions na umangat sa ika-8 sunod na panalo.
Target naman ang ikaanim na titulo sa midgets section, iginupo ng DLSZ, ang St. Paul College, Pasig, 42-39, habang pinadapa naman ng junior titleholder CKSC ang DLSZ , 59-46.
Sa volleyball finals kung saan nabigong umusad ang mga nagkampeon noong isang taon sa tatlong divisions, nakauna kapwa ang DLSZ at San Beda.
Pinadapa ng DLSZ ang St. Scholastica’s College sa midgets division, 25-19, 25-19, habang tinalo ng San Beda ang CEU sa seniors class, 25-23, 27-25, 20-25, 25-23. (Marivic Awitan)