Nagparamdam ang Adamson University na hindi sila puwedeng balewalain sa taong into, matapos gapiin ang Far Eastern University- Diliman ,78-65 , sa pagpapatuloy ng UAAP Season 79 juniors basketball tournament sa San Juan Arena.
Namuno si Gerry Abadiano para sa Baby Falcons sa naiskor na 14 puntos habang tatlo pang kakampi ang tumapos na may double-digits.
“It’s good for us, but we still have to work on our consistency,” pahayag ni coach Goldwin Monteverde.
Buhat sa 42-41 na kalamangan sa pagtatapos ng first half, nagsalansan ang Baby Falcons ng 16-8 run sa simula ng third period at hindi na muli pang lumingon para maigupo ang contender ding Baby Tamaraws.
Namuno naman sina Kenji Roman at Jack Gloria para sa FEU-Diliman na kapwa tumapos na may 12 puntos.
Pumatas naman sa FEU sa pantay na markang 1-1, ang University of the Philippines Integrated School matapos padapain ang De La Salle Zobel, 81-59.
Namuno si Juan Gomez de Liano para sa Junior Maroons sa itinala nyang 20 puntos, siyam na rebound at anim na assist.
Nanguna sa Junior Archers si Joaqui Mariano na may 16 puntos. (Marivic Awitan)