Hindi ba talaga maaaring patawarin na lamang ang isang matandang may sakit na dahil sa kakapusan ng pera ay napilitang mang-umit ng gamot sa pag-asang maiibsan nito ang matinding sama ng kanyang karamdaman?

Ipinakulong ng isang malaking drug store sa Cabanatuan City, Nueva Ecija ang isang 84-anyos na lalaki dahil sa pang-uumit ng dalawang diabetic kit.

Kahit pa naibalik kaagad ang mga kit, ipinakulong pa rin ang matandang may sakit dahil iginigiit ng pamunuan ng drug store na natuklasan sa inventory na may tatlo pang diabetic kit ang nawawala.

Kinilala ni Supt. Ponciano Zafra, hepe ng Cabanatuan City Police, ang suspek na si Rolando Santos Dela Rosa, 84, ng Barangay Makinabang, Baliuag, Bulacan.

Probinsya

PCG personnel, kasama sa mga nasawing biktima sa SCTEX road crash; naulila ang 2-anyos na anak

Sa panayam sa kanya ng mga mamamahayag, sinabi ni Dela Rosa na dumayo siya sa Cabanatuan City upang humiram ng pera sa isang kaibigan para may maipambili siya ng gamot sa iniindang diabetes.

“Pinuntahan ko ‘yung kumpare ko rito (Cabanatuan City) para sana humiram ng pandagdag sa pambili ko ng gamot.

Ibinalik ko naman ang dalawang kit pero ipinakulong pa rin nila ako, at kinuha pa nila ang P1,800 kong pera,” kuwento ni Dela Rosa.

“Ipinipilit nila na may nauna akong kinuhang tatlong kit, pero sabi ng guard dalawa lang ang nakita niyang kinuha ko.

Kaya ko lang naman nagawa ‘yun dahil kulang nga ang pera kong pambili (ng gamot),” dagdag pa ni Dela Rosa, na namamaga ang paligid ng mata at halos hindi makalakad.

Kinasuhan si Dela Rosa sa pagnanakaw ng limang set ng blood glucose at ketone monitoring kit na nagkakahalaga ng P2,235 bawat isa, o P11,175 sa kabuuan.

Sa kabila ng kanyang pagmamakaawa, itinuloy pa rin ng kinatawan ng drug store at ng security guard na si Mark Ocdin ang pagsasampa ng kaso laban sa matanda.

Itinanggi naman ni Ocdin na kinuha niya ang P1,800 sa wallet ni Dela Rosa, at sinabi na posibleng ang kapwa niya sekyu ang gumawa nun sa matanda. (Mar T. Supnad)