“Pinatulog ko lang.” Ito umano ang sinabi ng isang construction worker sa kanyang kasamahan bago tuluyang tumakas matapos niyang pagsasaksakin ang isang babae na umano’y nagnakaw ng kanyang cellphone sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kasalukuyang tinutugis ng mga awtoridad ang suspek na kinilalang si Jayson Dulay, alyas “Bong”, tinatayang nasa edad 25 hanggang 30, may taas na 5’5”, at katamtaman ang pangangatawan.
Si Dulay ang itinuturong suspek sa pagpatay kay alyas “Jingle”, nasa edad 20 hanggang 25, may taas na 4’11”, morena, balingkinitan, nakasuot ng itim na t-shirt, asul na maong shorts, at tsinelas.
Sa pagsisiyasat ni PO3 Dennis Turla, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 11:30 ng gabi nangyari ang pananaksak sa loob ng construction barracks ng Devi8 Innovation Construction na tinutuluyan din ng suspek at matatagpuan sa Rizal Avenue, sa pagitan ng Laguna Street at Callejon Alley, Sta. Cruz.
Ayon kay Mark Castillano, katrabaho ng suspek, himbing na himbing siya nang biglang makarinig ng sigawan sa loob ng kanilang barracks. Dahil dito, lumabas siya sa kanyang kuwarto at dito na niya nakita ang biktima na duguan at naghihingalo.
Nakatayo umano sa tabi ng biktima ang suspek at nang tanungin niya kung ano ang nangyari ay sumagot ito at sinabing, “Pinatulog ko lang,” saka mabilis na lumabas ng barracks at tumakas.
Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na ninakaw ng biktima ang cell phone ng suspek ilang oras bago ang pananaksak.
(Mary Ann Santiago)