ANG Feast or King’s Day ng hari ng Belgium ay ipinagdiriwang tuwing Nobyembre 15 ng bawat taon. Ang King’s Day sa Belgium alinsunod sa dekrito ni King Leopold II noong 1866. Unang ipinagdiwang ang kapistahan nang bigyang-pugay si King Leopold I (1790-1865), na unang hari ng Belgium kasunod ng pagiging malaya mula sa pananakop ng Netherlands noong 1831. Ang King’s Day ay kasabay ng mga kapistahan nina St. Leopold of Babenberg at St. Albert the Great.

Tinatawag din itong “Dynasty Day” o “Feast of the Dynasty.”

Simula noong 2001, nagdaraos ang Belgian Federal Parliament ng seremonya upang bigyang-pugay ang Hari sa harap ng mga kasapi ng Belgian Royal Family at ng iba pang dignitaryo. Kinikilala ito bilang opisyal na kaarawan ng Hari. Sa Belgium, hindi dumadalo ang Hari at ang Reyna sa King’s Feast, dahil alinsunod sa tradisyon, hindi sila maaaring makitang nakikipagdiwang para sa sarili nilang okasyon. Sa halip, ibang miyembro ng maharlikang pamilya ang dumadalo sa mga kasiyahan.

Bibigyang-pugay sa selebrasyon ng King’s Day ngayong araw si King Philippe, na naluklok sa trono noong Hulyo 21, 2013, makaraang bumaba sa trono ang kanyang ama na si King Albert II, matapos ang 29 na taong pamumuno. Ang pagbabang ito sa puwesto ay kauna-unahan sa kasaysayan ng Belgium. Simula noong 2001, sinisimulan ang tradisyunal na selebrasyon ng King’s Day sa pang-umagang misa sa Brussels Cathedral. Dinadaluhan ito ng royal family at mga dignitaryo, maliban sa Hari at Reyna. Inaawit ang Te Deum pagkatapos ay dadalo na ang royal family sa pulong sa Parlamento. Bandang hapon, magtutungo naman ang royal family sa Belgian Senate, kasama ang mga opisyal ng gobyerno, para sa seremonya, na magtatapos sa pag-awit ng Brabanconne, ang pambansang awit ng Belgium. Nanonood naman ang Hari mula sa balkonahe habang sinasaluduhan siya ng militar bilang simbolo ng katapatan.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: May ‘purpose’ na itinakda ang Diyos sa buhay mo

Kahati ang Kaharian ng Belgium sa mga lupang hangganan nito ang Germany, France, Luxembourg, at Netherlands. Ang lungsod ng Brussels, na pinakamalaking munisipalidad sa Brussels-Capital Region, ang kabisera ng Belgium.

Hulyo 4, 1946 nang itatag ang pormal na ugnayang diplomatiko ng Belgium at Pilipinas. Isa sa mga pangunahing proyekto ng pagtutulungan ng Pilipinas at Belgium ay ang LRT 1 sa Metro Manila. Maraming Pilipino, karamihan ay mga empleyado sa hotel o tripulante sa mga barkong Belgian, ang nakarehistro sa Belgian National Institute of Statistics. Ang Kaharian ng Belgium ay may embahada sa Maynila, habang nasa Brussels naman ang embahada ng Pilipinas.

Binabati natin ang mamamayan at ang gobyerno ng Kaharian ng Belgium, sa pangunguna ni His Majesty, King Philippe, at ni Prime Minister Charles Michel sa pagdiriwang nila ng kapistahan para sa King’s Day.