COTABATO CITY – Sumiklab ang labanan sa pagitan ng mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na nagpapatupad ng operasyon kontra droga at ng isang malaki at armadong grupo ng mga hinihinalang drug trafficker sa dalawang barangay sa Balindong, Lanao del Sur, at daan-daang residente na ang lumikas.
Apat na mandirigmang MILF ang napatay at tatlong iba pa ang nasugatan sa paglalaban na sumiklab nitong Sabado sa pagitan ng grupo ni Northwest Front Commander Abdurahman “Bravo” Macapaar at ng mga armadong tagasuporta ng isang pulitiko sa mga barangay ng Debarosan at Buluan sa Balindong, ayon sa sources.
Sinabi kahapon ng dating MILF peace panelist na si Robert Maulana A. Marohombsar na nagpapatuloy pa rin ang palitan ng putok, at idinagdag na hindi pa rin tukoy ang bilang ng mga nasawi at nasugatan sa panig ng armadong grupo.
“As of this time, MILF forces have surrounded Bualan, even as the IMT (International Monitoring Team) and other peace bodies have trekked to the area of conflict to forge a truce,” saad sa social media post ni Marohombsar nitong Linggo.
Aniya, isa sa mga kumpirmadong nasawi sa panig ng MILF ay ang anak na lalaki ni MILF 2nd Vice Chairman Aleem Solaiman Pangalian.
Napaulat na dalawang bahay at isang gusaling pampaaralan ang sinilaban sa kainitan ng labanan.
Batay sa naunang report ni Usama Ali, core chairman ng Ad Hoc Joint Action Group ng MILF, iginiit ng kaanak ng isang opisyal ng Bgy. Debarosan na palayain ng MILF ang isa sa pitong dinakip nito.
Bagamat hindi pinangalanan ang opisyal, sinabi ni Ali na kapatid ito ng isang miyembro ng lokal na grupo na tagasuporta ng Islamic State.
Nagawa umanong mabawi ng opisyal ang kapatid nitong babae na isa sa mga dinakip ng grupo ni Kumander Bravo, ngunit sumalakay naman ang huli sa dalawang nabanggit na barangay upang muling dakpin ang babae kaya nakipaglaban ang grupo ng opisyal.
Napaulat na sinisikap na ngayon ng mga kinatawan ng IMT at ni Lanao del Sur Vice Governor Mamintal Adiong, Jr. na mapahupa ang paglalaban. (ALI G. MACABALANG)