Dalawang katao, kabilang na ang isang babaeng may diperensya sa pag-iisip, ang nasawi sa pitong oras na sunog na tumupok sa mahigit 500 bahay sa Barangay Addition Hills, Mandaluyong City kahapon.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Rolly Onchonra, 29, at Wilma Laureno, 26, kapwa residente ng Welfareville Compound sa Bgy. Addition Hills, Mandaluyong City.
Lasing umano si Onchonra noong mga oras na iyon at siya’y nasagi ng nagtatakbuhang residente dahilan upang siya’y mabuwal at mabagok kaya inatake sa puso.
Habang si Laureno na may diperensya sa pag-iisip ay nakulong sa nasusunog nilang bahay matapos maiwanan ng kanyang mga kaanak.
Sa ulat ni SFO3 Victorio Tablay, ng Mandaluyong Fire Department, dakong 7:45 ng gabi sumiklab ang sunog na nagmula sa bahay ng isang Alex Naga, empleyado sa barangay at residente ng Block 35, Welfareville Compound.
Mabilis umanong kumalat ang apoy sa mga katabing bahay at tumagal ng mahigit pitong oras bago idineklarang under control, at tuluyang naapula dakong 3:24 ng madaling araw.
Tinatayang aabot sa P10 milyong halaga ng ari-arian ang naabo, at 1,465 pamilya o mahigit 6,000 indibiduwal ang naapektuhan.
Ang mga biktima ay pansamantalang manunuluyan sa apat na eskuwelahan sa barangay.
Habang isinusulat ang balitang ito ay patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (MARY ANN SANTIAGO)