obra-ni-lino-acasio_main-photo

NAGING atraksiyon sa isang mall nitong nakaraang buwan ang pagpapahalagang ibinigay sa Batangueño artists sa pamamagitan ng pagtatanghal sa kanilang mga obra na kinilala sa Pilipinas at sa iba’t ibang bansa.

Itinampok sa My City, My SM, My Art exhibit sa SM City Batangas ang mga likhang-sining ng master artists na sina Ramon Orlina at Romulo Olazo. Nasilayan ng mga kababayan ang mga iskultura ni Orlina at painting ni Olazo sa atrium ng mall na nagtapos nitong Oktubre 31.

Bilang pagdiriwang sa Batangas artistry, ipinakita rin sa exhibit ang mga painting nina Anthony Palomo, Joseph Villamar, Lino at Emman Acasio, Jorge Banawa, Mischa at Zorrick Enriquez na naglalarawan ng mga kultura at kaugalian ng mga Batangueńo gayundin ng mga likas na yaman ng lalawigan.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

ROMULO OLAZO

Si Romulo Olazo na ipinanganak noong 1934 sa Balayan at nag-aral ng Fine Arts sa University of Sto. Tomas. Bagamat napasabak sa advertising career, hindi pa rin tinalikuran ang larangan ng sining kaya itinampok sa mga exhibit ang kanyang mga ginawa ng Philippine Advertising Counsellors at kalaunan ng Art Association of the Philippines.

Bilang isa sa mga nangungunang artists ng Pilipinas, naging kinatawan ng bansa si Olazo sa 12th Biennial sa Sao Paulo noong 1973 at sa 11th International Biennial of Prints sa Tokyo noong 1979 at nakamit ang honorable mention.

Naitanghal sa solo at group exhibitions ang kanyang mga likha sa mga bansa sa Europa, Asya, South America, at halos taun-taon sa USA simula noong 1969.

RAMON ORLINA

Mula sa Taal, Batangas, isa si Ramon Orlina sa ipinagmamalaking iskultor ng bansa na gumagamit ng materyales mula sa mga bubog na nagiging abstract emeralds.

Nagtapos siya sa University of Sto. Tomas ng Architecture at naging arkitekto hanggang 1974, nang simulan niya ang kanyang pagpipinta at kalaunan ay lumipat sa glass sculpture.

Dahil sa kakaibang paglililok, nakilala at ginawaran siya ng ASEAN Awards for Visual Arts noong 1993, Third ASEAN Achievement Awards for Visual Arts (1994), at ng “Mr. F Prize” sa 1999 Toyamura International Sculpture Biennale sa Japan.

Napanalunan niya ang First Prize sa Sculpture Category ng II International Biennale of Basketball in the Fine Arts, Madrid, Spain noong 2000.

Para kay Orlina, susi ang pagiging orihinal sa kanyang mga obra-maestra sa loob ng 40 taon.

ANTHONY PALOMO

May undergraduate si Anthony Palomo sa advertising sa Maryknoll College sa Quezon City at kumuha ng Fine Arts bilang pangalawang kurso sa University of the Philippines.

Dahil sa kanyang schoolmate na si Mark Justiniani ay naging bahagi siya ng grupong Salingpusa at Sanggawa.

Gamit ang water color, naipapakita at naipapahayag ni Palomo sa kanyang mga obra ang para sa kanya ay mahahalagang nilalaman ng kanyang saloobin.

LINO ACASIO

Kilala si Lino Acasio sa kanyang landscape images at inspirasyon ng kanyang mga likha ang marikit na kapaligiran ng kanyang hometown -- ang Lemery.

Makikita sa mga obra ni Acasio ang mga bundok at ilog at ang pang-araw-araw na mga gawain ng mga ordinaryong mamamayan.

Umaasa si Acasio na sa pamamagitan ng kanyang mga likhang-sining ay mapapanatili ang adbokasiya sa enviromental preservation and management ng kasalukuyang henerasyon.

EMMAN ACASIO

Isinilang at lumaki si Emman Acasio sa Lemery at nakakuha ng scholarship sa University of Sto. Tomas sa kursong Fine Arts at nagtapos na Cum Laude noong 2005.

Ang kanyang book illustration na naglalaman ng pagkakaiba-iba ng 17 rehiyon sa Pilipinas ang pinagkalooban ng karangalan bilang Outstanding Thesis of the Year.

Para sa kanya, ang sining ay mula sa passion at ang mahusay na sining ay kailangang nagbibigay ng inspirasyon sa mga tao.

JORGE BANAWA

Si Jorge Banawa ay nagtapos ng Fine Arts major in painting sa University of the Philippines.

Nanalo ang kanyang mga ipininta ng Grand Prize sa Phase 1, UP-CFA, PLDT-DTC National Visual Arts Competition 1998 at finalist sa Rizal in Europe Painting Competition 2014.

Lumaki sa Taal si Banawa at malaki ang impluwensiya ng kultura ng heritage town sa kanyang pagpipinta.

Para sa kanya, liwanag ang nagbibigay buhay sa kanyang mga obra at ito ang maituturing na mahusay na sining.

JOSEPH VILLAMAR

Mula sa Calaca, nag-aral ng Fine Arts si Jose Villamar sa Feati University.

Siya ay aktibong miyembro ng Mauri Malang Santos’ Saturday Group.

Mother and Child ang kalimitang tema ng mga painting ni Villamar dahil sa ‘strong emotional attachment’ sa kanyang ina. Malaki rin ang kanyang paghanga sa kagandahan ng isang babae.

Para sa kanya, ang sining ay repleksiyon ng pagkatao, karanasan at paniniwala ng isang artist.

MISCHA

Si Michael Toms Semaña o Mischa ay nagmula sa pamilyang gumagawa ng religious statue sa Sta. Teresita.

Siya ay Electrical Engineering graduate at naging passionate sa pag-angat ng sining gamit ang resin at gawin itong mataas na uri ng sining.

Nag-eeksperimento rin siya ng mataas na kalidad ng sining gamit ang pinaghalong resins, hardener, styrene at kalsomine at nakalilikha ng mataas na uri ng orihinal na sining.

ZORRICK ENRIQUEZ

Nagmula sa Batangas City ang 20-anyos na Zorrick Enriquez.

Nagsimula sa kolehiyo sa Batangas State University bilang Visual Communication student hanggang third year at lumipat sa Fine Arts nang umalab ang kanyang hilig sa visual arts.

Siya ay first year Fine Arts student sa The Artist Academy of Global Knowledge Philippines sa ilalim ng Macuha Art Gallery scholarship.

Siya ay aktibong miyembro ng Kunst Pilipino, Philippine Pastel Artists and Let’s Paint.

Bilang isang batang artist, nakikita niya ang sining sa kapaligiran na dapat i-appreciate. (LYKA MANALO)

[gallery ids="206205,206204,206203,206202,206199,206200,206201"]