Simula ngayong araw, iisyuhan na ng traffic violation ticket ang mga motorcycle rider na mahuhuling lalabag sa mahigpit na ‘motorcycle lane’ policy ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipatutupad sa ilang pangunahing lansangan sa Metro Manila.

Kahapon ay istriktong pinaalalahanan ni MMDA General Manager Thomas Orbos ang mga rider na may kaakibat na multa ang iba’t ibang paglabag.

Inihayag ni Orbos na may multang P500 ang mga mahuhuling rider na wala sa motorcycle lane; P1,500 sa mga walang suot na helmet; P500 sa nakasuot ng tsinelas; P2,000 sa mga nagmamanehong lasing o nasa impluwensya ng alak; P150 sa walang plaka sa likod ng motorsiklo; P150 sa walang head light at P500 sa walang day light, habang huhulihin din ng traffic enforcer ang mga rider na nakasuot ng shorts.

Ipaiiral ang naturang polisiya sa Commonwealth Avenue, C-5, Macapagal Avenue at Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA).

National

Ofel, mas humina pa habang nasa vicinity ng Gonzaga, Cagayan

Paglilinaw ng MMDA, ang motorcycle lane ay hindi eksklusibo para sa mga nagmomotorsiklo dahil maaaring gamitin ang linya ng mga pribadong motorista o private light vehicles.

Layunin nito na mabawasan ang matinding pagsisikip ng daloy ng mga sasakyan sa mga nasabing lugar partikular sa EDSA at tiyakin ang kaligtasan ng riders dahil na rin sa paglobo ng bilang ng mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga ito.

Pinapayuhan ang mga rider na hanggang isang angkas lamang ang pinapayagang sumakay sa motorsiklo at iwasang magsakay ng mga bata dahil sa pangambang peligro sa buhay dulot ng aksidente sa kalsada.

Bukod dito, mahigpit din na babantayan ng MMDA ang bus lane at ang mga tamang sakayan at babaan ng mga pasahero na makatutulong sa pagpapagaan ng suliranin sa trapiko kung magkakaroon ng ibayong disiplina ang mga driver at commuter ukol dito.

Sa ginawang dry run nitong Sabado ng hapon, nasampolan ang 625 na rider matapos na sitahin ng traffic enforcers ng MMDA sa C-5 at EDSA dahil sa hindi pagsunod sa dress code at safety gears, walang side mirror at isa naman ang nabaklasan ng plaka dahil sa pagmamaneho nang walang lisensya. (Bella Gamotea)