MAAARING mapurnada, sa pagkakahalal ni Donald Trump bilang susunod na presidente ng Amerika, ang $100 billion na planong inilunsad ng karibal niyang Democrat na si Hillary Clinton pitong taon na ang nakalilipas na layuning tulungan ang mahihirap na bansa na makaagapay sa climate change.
Ito ang pangambang inilahad ng mga delegado sa pag-uusap sa United Nations nitong Biyernes.
Habang nangangampanya, nangako si Trump na babawiin ang tax dollars ng Amerika mula sa mga programa ng UN kaugnay ng global warming na layuning tulungan ang mga bansang lantad sa panganib na piliin ang paggamit ng kuryenteng nalilikha nang hindi napipinsala ang kalikasan at makaagapay sa pagtaas ng dagat at iba pang epekto ng climate change.
Labis na pinangangambahan ngayon ng mga delegado sa UN climate talks sa Morocco ang magiging epekto ng pagkakahalal ni Trump sa ipinangako ng administrasyong Obama na magkakaloob ng $3 billion sa Green Climate Fund, ang pangunahing pondo ng United Nations laban sa climate change. Nasa $500 million pa lamang sa ipinangakong halaga ang naipagkakaloob.
“That could be worrisome, as that money was never approved through the U.S. Congress and we now have a president who is unwilling to put that type of money out there,” sabi ni Tosi Mpanu Mpanu, ang pangunahing negosyador para sa Congo at chairman ng isang grupo ng mahihirap na bansa.
Ang mga pledge sa Green Climate Fund ay bahagi ng mas malawak na pagsisikap ng mayayamang bansa na kumalap ng $100 billion taun-taon para sa mahihirap na bansa, na inihayag ni Clinton noong 2009, nang siya pa ang United States secretary of state. Bahagi ng plano na dagdagan pa ang pondo hanggang sa 2020.
At ngayon, nananawagan ang mga climate activist sa mayayamang bansa na dagdagan ang kanilang ambag, sa pangambang ang posibilidad na bawiin ng Amerika ang pondo nito ay magkakaroon ng domino effect.
“The U.S. is supposed to be the leader in raising this $100 billion,” sabi ni Lidy Nacpil, ng Philippine Movement for Climate Justice. “So if the U.S. is not going to give, why will the other countries give?”
Mayo ngayong taon nang ihayag ni Trump sa isang kumperensiya ng industriya ng langis sa North Dakota na kakanselahin niya ang makasaysayang Paris Agreement on climate change noong nakaraang taon at “stop all payments of the United States tax dollars to U.N. global warming programs.”
Umaasa ngayon ang maraming negosyador sa Morocco na hindi seryoso si Trump sa kanyang sinabi.
Kumpiyansa namang sinabi ni Mpanu Mpanu na sakaling bawiin ng Amerika ang ipinangako nitong pondo, maaaring mahadlangan nito ang paglikom ng pondo laban sa climate change para sa mahihirap na bansa, ngunit hindi nito ganap na mapipigilan ang diwa ng nasabing pagsisikap.
“Instead of us being in the elevator bringing us to the next floor, we may have to take the stairs,” paliwanag niya. “But we will still get there.” (Associated Press)