BINAGO ni Pangulong Duterte ang nauna niyang desisyon sa dalawang mahahalagang usapin matapos niyang makipagpulong sa kanyang gabinete at pakinggan ang kani-kanilang opinyon at rekomendasyon.
Ang isa ay ang usapin sa pagratipika ng Pilipinas sa Paris Climate Change Agreement. Sa unang bahagi ng kanyang termino ay sinabi ni Pangulong Duterte na hindi niya lalagdaan ang kasunduan sa Paris sa pangambang mahahadlangan nito ang pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.
Sa pangunguna ni Secretary Gina Lopez ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), pinagdebatehan ng gabinete ang isyu nitong Huwebes at binigyang-diin na ang Pilipinas, gaya ng ibang mga bansang dumalo sa kumperensiya sa Paris, ay nagsumite lamang ng kani-kanilang Nationally Determined Contribution sa layuning makatulong na maisakatuparan ang adhikain ng kumperensiya, na susuriin naman sa isang follow-up conference limang taon mula ngayon para sa posibilidad na ma-update. Bumoto ang mayorya ng gabinete pabor sa tratado. Halos lubos ang pagkakaisa sa naging botohan, na isa o dalawa lamang ang tumutol, ayon sa Pangulo. Kaya naman nakumbinse na rin siya at nilagdaan ito.
Ang isa pang malaking usapin ay ang tungkol sa military exercises sa pagitan ng Pilipinas at Amerika. Sa kanyang pagbisita sa China kamakailan, sinabi ng Pangulo na wala nang isasagawang joint military exercises sa panahon ng kanyang termino. Ngunit sa pulong ng gabinete nitong Huwebes, sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na iginiit ng mga kasapi ng gabinete na maisagawa ang taunang Balikatan exercises ng mga sandatahan ng Pilipinas at Amerika gaya ng itinakda, ngunit kakanselahin na ang Cooperation Afloat Readiness and Training (CARAT) naval exercises at ang Amphibious Landing Exercise (Phiblex). Sumang-ayon din ang Pangulo sa gabinete sa usaping ito.
Si Pangulong Duerte ay isang mahusay na pinuno na laging handang magbitiw ng desisyon sa maseselang usapin. May mga pagkakataong pinagninilayan niya ang kanyang naging pasya at nililinaw o binabago ito. Sa kanyang pakikipagpulong sa gabinete noong nakaraang linggo, umapela siya para sa isang bukas na talakayan at pinakinggan ang kanilang mga katwiran. Isa itong katanggap-tanggap na hakbangin.
Pawang mahuhusay ang kalalakihan at kababaihan sa ating gabinete ngayon. Bagamat maingat silang pinili upang pamunuan ang kani-kanilang kagawaran batay sa kanilang kahusayan, lahat sila ay makabayan na may malawak na karanasan at pananaw sa maraming usapin.
Makabubuti ang madalas na pagkonsulta ni Pangulong Duterte sa kanila upang pakinggan ang kanilang mga pananaw. Sa kanilang pagsasama-sama, mas epektibo nilang mapupulsuhan ang opinyon ng mamamayan sa iba’t ibang pambansang usapin at magagabayan ng mga ito.