jackie-copy

NANG makakita si Jackie Chan ng Oscar sa tahanan ni Sylvester Stallone 23 taon ang nakalilipas, nagsimula ang paghahangad niyang magkaroon din nito.

Noong Sabado sa annual Governors Awards, natanggap na sa wakas ng Chinese actor at martial arts star ng kanyang little gold statuette, isang honorary Oscar bilang pagkilala sa ilang dekadang pagtatrabaho niya sa pelikula.

“After 56 years in the film industry, making more than 200 films, after so many bones, finally,” pagbibiro ni Jackie, 62-anyos, sa star-studded gala dinner habang hawak-hawak ang kanyang Oscar.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Nagbalik-tanaw ang aktor na kapag nanonood sila ng seremonya noon kasama ang kanyang mga magulang, laging itinatanong sa kanya ng ama kung bakit hindi pa rin siya nananalo sa kabila ng pagkakaroon ng maraming pelikula.

Nagpasalamat siya sa Hong Kong, ang kanyang hometown, sa pagtulong sa kanya upang maging “proud to be Chinese” at pinasalamatan ang kanyang mga tagahanga, sinabi na sila ang dahilan kung bakit “I continue to make movies, jumping through the windows, kicking and punching, breaking my bones.”

Ipinakilala ang actor ng kanyang mga co-star sa Rush Hour na sina Chris Tucker, actress na si Michelle Yeoh at Tom Hanks, na tumatawag sa kanya ng “Jackie ‘Chantastic’ Chan.”

Sinabi ni Hanks na nakakatuwa at nakaka-proud na kilalanin ang trabaho ni Chan dahil hindi masyadong napapansin ang mga pelikulang martial arts at action comedy sa awards season.

Kinilala rin ng Academy of Motion Pictures Arts and Sciences, ang host ng annual ceremony, at binigyan ng honorary Oscars ang British Film editor Anne V. Coastes, casting director na si Lynn Stalmaster at documentarian na si Frederick Wiseman.

Dinaluhan ang seremonya ng Hollywood’s elite na kinabibilangan nina Denzel Washington, Lupita Nyong’o, Nicole Kidman, Emma Stone, Ryan Reynolds, Amy Adams, at Dev Patel.

Si Stalmaster, 88-anyos, ang unang casting director na nakatanggap ng Oscar ang nasa likod ng namumukod-tanging mga karakter na ginampanan nina Jeff Bridges, Andy Garcia, Christopher Reeve at John Travolta.

Inihayag naman ni Coates, 90-anyos, na ibinabahagi niya ang kanyang honorary Oscar sa lahat ng “unsung heroes” sa industriya ng pelikula. Nanalo si Coates ng film editing Oscar para sa Lawrence of Arabia noong 1962 at nakapag-edit ng mahigit 50 pelikula.

Samantala, sinabi naman ni Wiseman, 86-anyos, na: “I think it’s as important to document kindness, ability and generosity of spirit as it is to show cruelty, banality and indifference.” Kabilang sa kanyang mga dokumentaryo ang Hospital noong 1970, Blind noong 1987, at ang nakaraang taon na In Jackson Heights. (Reuters)