SIGURADONG ikatutuwa ni Dingdong Dantesang balitang pipirma si President Rody Duterte sa Paris Agreement pagkatapos marinig ang paliwanag ng gabinete nito.Â
Nagpasulong ng hashtag na #RatifyPH si Dingdong noong panahong napabalita na hindi pipirma sa Paris Agreement ang Pangulo sa pangambang baka hindi ito makatulong sa pag-unlad ng ating bansa.
Bibilib ka nga kay Dingdong dahil kahit busy sa promo ng Star Cinema movie na The Unmarried Wife at sa taping ng Alyas Robin Hood, nagawa pa niyang isulong ang #RatifyPH bilang head ng Yes Pinoy Foundation.
Ang maganda lang kay Dingdong, hindi niya isinali sa promo ng The Unmarried Wife ang kanyang advocacy sa climate change. Kapag hindi siya tinatanong, hindi niya isinisingit sa usapan ang tungkol dito, kaya hindi trying hard ang kanyang dating.
Samantala, showing na sa Miyerkules, November 16, ang The Unmarried Wife na pinagsasamahan nila nina Angelica Panganiban at Paulo Avelino. Ibang Dingdong ang mapapanood sa movie dahil kahit bida, imperfect ang karakter niya dahil niloko niya ang asawang ginagampanan ni Angelica.
Ibang Dingdong din ang napapanood sa Alyas Robin Hood at nakikita ng viewers na puwede siya sa action. Tuwang-tuwa ang mga batang viewers kay Pepe (his character) lalo na ‘pag may action scenes siya o kaya’y gumagamit ng pana.
(Nitz Miralles)