KAHIT puyat at galing sa taping ng The Greatest Love ay pinuntahan ni Sylvia Sanchez ang solong event ng anak na si Arjo Atayde sa Axe Black Concept Store sa Unit 27 Apartment Bar and Café sa Bonifacio Global City noong Biyernes.
“Maski sabihin nating abala rin ako sa trabaho ko, hindi naman natatapos ang pagiging nanay ko sa mga anak ko,” sabi ni Ibyang. “Biglaan nga ito, kasi nito lang sinabing may ganitong event si Arjo, kaya si Ria nataranta kasi may taping din siya ng Wansapanataym, eh, siya ang nag-aasikaso ng design ng Axe concept store ni Arjo, so hindi niya kakayanin.
“Wala naman akong alam sa ganitong concept store kaya humingi na ng tulong si Ria sa mga pinsan nila (Martin Atayde) at kaibigan (Landon Leoncio). Si Arjo kasi busy din sa taping niya ng Ang Probinsyano kaya ang maitutulong ko lang ay suportahan siya. Nagpakita ako sa event kasi si Arjo, makapamilya ‘yan, gusto niya sa lahat ng event ng buhay niya, nandoon kami.”
Pawang mga pinsan at ilang kaibigan bukod sa nanay at lola (Pilar Atayde) ni Arjo ang nakarating sa Axe Black Concept store event dahil nasa taping nga si Ria (kasama sina Elmo Magalona at Janella Salvador).
Tinanong si Ibyang tungkol sa idini-date ng panganay niya, na miyembro ng Girltrends ng It’s Showtime.
“Pagdating sa love life ni Arjo, hindi ako nakikialam, pero alam niya na marami akong bilin sa kanya na seryosohin muna niya ang career niya,” sagot ni Sylvia. “Parati kong sinasabi sa kanya, ‘Anak, pangarap mo itong showbiz kaya pagbutihin mo, seryosohin mo, marating mo muna ‘yung gusto mo, mag-ipon ka, kung narating mo na at marami ka nang ipon o stable ka na at kaya mo nang magpakain ng sarili mong pamilya, then go ahead.”
Teka, ‘dating’ pa lang, bakit parang napunta na sa pag-aasawa ang sagot niya?
“Ha-ha-ha, sinasabi ko lang ang mga bilin ko kay Arjo. Wala namang problema sa akin ang dating-dating, okay lang ‘yun, kailangan din naman niya ng love life. ‘Yun nga lang, mag-iingat siya. Alam mo na ibig kong sabihin, kasi isang pagkakamali lang, mawawala ka na.
“Huwag na siyang tumulad sa akin noon na ilo-launch na sana ako sa first solo movie ko, eh, bigla akong nabuntis kay Arjo, eh, di nawala ‘yung stardom ko, heto after 27 years saka pa lang ako nagbida.
“Pero walang pagsisi ‘yun kasi gumanda ang buhay ko nu’ng nagkapamilya ako, may mga dinaanan mang hirap, masaya ako kasi kumpleto ang pamilya ko,” sey ni Ibyang.
May bilin din si Ibyang sa panganay niya kapag may iniharap na girlfriend sa kanila.
“Dapat marespeto sa pamilya ang bata, mabait, marunong makisama at huwag bitch dahil kung bitch siya, aawayin ko siya,” napangiting sabi ng aktres.
Ilang beses na namin siyang kinukulit kung ano ang name ng girl na ipinakilala sa kanya...
“Ay, hindi ako ang magsasabi, si Arjo ang tanungin n’yo, ‘wag ako,” tigas ng iling ni Ibyang.
Maganda ba ‘yung girl?
“Maganda naman,” kaswal na sagot ng aktres.
At kaya pinag-iingat ni Ibyang dahil sobra raw kung ma-in love ang anak at talagang all mine to give, kaya naman kapag naghihiwalay ay dinidibdib nang husto.
“Oo, g_go ‘yan, eh,” natawang sabi ng nanay ng aktor.
Oo nga, bakit nga ba ‘ogag’ ang tawag ni Ibyang sa anak?
“Guwapo Ogag tawag ko, guwapo na g_go (term of endearment). Kaya ogag kasi pareho kami ng ugali, kaya nagka-clash kami.
“Nagka-clash na hindi nag-aaway o bastusan kundi nagdedebate kami. Mahilig kaming mag-debate sa bahay, open kami sa ganu’n, ‘yung saloobin mo ilabas mo, wala kaming lihiman. Alam ng mga anak ko ang pinanggalingan ko, wala akong itinago sa kanila, kasi alam ko na darating ang araw na malalaman din nila sa ibang tao o kaninuman.
“Like now, nag-showbiz sila, eh, di malalaman din nila kung sino ako, so bakit ko itatago? Baka kung ‘tinago ko, ‘tapos may magtanong sa kanila na, ‘don’t you know that your mom is a former bold star or sexy star’, eh, di nagulat sila, nasaktan pa sila, off-guard sila, hindi nila alam ang isasagot. At least ngayong alam nila, hindi na sila magugulat sa lahat ng ipupukol sa kanila.
“Back sa ogag, lambingan din namin ‘yun, hindi ‘yun negatibong dating. Tulad sa The Greatest Love, sabi ko kay Arjo, ‘anak, ikaw si Amanda (Dimples Romana)’. Nag-react nga, sabi niya, ‘Mom, OA (overacting) ka naman, hindi ako ganu’n kabastos.’ Sabi ko, hindi ko naman sinabing bastos ka, ‘yung laging nagka-clash lang kasi, di ba, si Amanda at si Gloria, laging nagka-clash?
“Hindi ‘yun sa pagiging bastos at walang puwedeng bumastos sa akin sa mga anak ko, maniwala ka sa akin. Hindi sila nakakapagmura sa bahay, bawal silang marinig na nagmumura sa bahay, ako lang puwede,” sabay tawa).
“Tawag ko kasi sa mga anak ko, si Arjo-ogag, si Ria-Potpot, si Gela-Gelatin, si Xavi-Xavikok.
“At saka ‘yang si Arjo ‘pag naglalambing magti-text, ‘Ibyang, magluto ka ng tacos, darating ang mga kaibigan ko, lutuin mo ng masarap, ‘wag mo akong ipahiya, ha?’
“O kaya kapag nanalo siya ng award, sasabihin niya, ‘Oh, Ibyang, may award ako, hahabulin kita. Ilang taon ka na nga sa showbiz, 27 years? Ilan na awards mo? Hahabulin ko ‘yan, five years pa lang naman ako, kaya kitang habulin, relaks ka lang.’ Ganu’n ang bonding naming dalawa na biruan talaga,” masayang kuwento ng aktres.
Naglolokohan din ang mag-ina pagdating sa acting. Sinasabihan siya ng aktor na ‘old style’ ang alam niya. Ano naman ang masasabi ni Ibyang?
“‘Pag nagdidiskusyon kami ng aktingan, sasabihin niya sa akin, ‘old school ka, Ma, eh.’ Kaya sabi ko, ‘ano ba’ng bago ngayon, anak, turuan mo nga ako?’ Pero ‘yung bagong alam niya, eh, bago naman talaga, nakakakuha rin naman ako kay Arjo ng tips, nagkakatulungan kaming dalawa.”
May reaksiyon si Ibyang sa pahayag ng anak na, ‘a bit hard siya sa sarili niya in terms of acting dahil nagse-set siya ng standard.’
“Oo, iba ‘yang batang ‘yan. Like sa Probinsyano, sasabihin ko, ‘Nak, ang galing nu’ng ginawa mo (eksena)’, ‘tapos nagte-trending naman’ pero hindi siya kuntento. Sasabihin niya, ‘Ma, me ano (may kulang)’. So hindi siya nakukuntento, ibig sabihin, may room for improvement pa. Kasi once na nakuntento na ang isang artista na magaling na siya, hanggang doon na lang.
“Mas gusto kong marinig si Arjo na sabihing, ‘Ma, kulang, eh, pangit (ang acting).’ Kaya okay lang ‘yun. Maski rin ako, hindi pa rin ako kuntento sa acting ko maski may nagsasabing magaling na ako o okay na, hindi ako ganu’n, gusto ko pang matuto ng iba pa.”
Samantala, labis-labis ang pasasalamat ni Ibyang sa mainit na suporta ng televiewers sa The Greatest Love. Pawang positibo ang mga naririnig niya na galing sa iba’t ibang tao na nakatutok sa serye niya.
“Group effort iyon dahil hindi ko naman magagawang mag-isa ‘yun, lahat ng mga anak ko sa The Greatest Love ang gagaling, grabe, nandoon na yata lahat ng magagaling na artista, mula kay Dimples, Andi (Eigenmann), Aahron (Villaflor) at si Mat (Evans) na bilib ako sa pagiging bading niya. Minsan nga, tinanong ko ng seryoso, ‘Mat, bading ka ba talaga?’ Kasi ibang klase, napakanatural niya, walang effort.
“At siyempre, ‘yung apo kong si Joshua Garcia, ang galing ng batang ‘yun, may lalim talagang umarte, tahimik lang ‘yun sa set, pero ‘pag umarte na nakita n’yo naman, di ba? At siyempre sina Rommel (Padilla) at Noni (Buencamino).”
(REGGEE BONOAN)