WELLINGTON, New Zealand (AP) – Niyanig ng malakas na lindol ang New Zealand nitong Lunes na nagbunsod ng mga landslide at maliit na tsunami, nabitak ang mga daan at bahay at dalawang tao ang namatay.
Ngunit naligtas ang bansa sa matinding pinsala tulad ng nasaksihan, limang taon na ang nakalipas nang tumama ang nakamamatay na lindol sa parehong rehiyon.
Patuloy na nararamdaman ang malalakas na aftershocks sa bansa kahapon.
Tumama ang magnitude 7.8 na lindol sa South Island ilang sandali makalipas ang hatinggabi. Bumuka ang kalsada at gumuho ang lupa sa lugar na malapit sa sentro ng pagyanig.
Nagkaroon din ng pinsala sa Wellington, ang kabisera ng bansa, mahigit 200 kilometro ang layo sa hilaga. Naramdaman ang pinakamalakas na pagyanig sa timog sa lungsod ng Christchurch, na sinalanta ng lindol noong 2011 na ikinamatay ng 185 katao. Ayon sa mga residente, umabot ng tatlong minuto ang pagyanig.
Ang New Zealand, may populasyon na 4.7 milyon, ay nakaupo sa “Ring of Fire,” isang arko ng seismic faults sa paligid ng Pacific Ocean kung saan karaniwan ang mga lindol.