Kumpiyansa ang Philippine wushu at sepak takraw team na ang nakamit na tagumpay sa world championship ay magagamit ng mga atleta para magtagumpay sa kanilang kampanya sa Asian Games sa 2018.
Nakopo nina Divine Wally (female 48 kg) at Arnel Mandal (male 65 kg) ang gintong medalya sa 8th Sanda World Cup sa Xi’an, China, habang nagwagi sina Jason Huerte at Mark Gonzales sa men’s double title sa Kings World Cup Sepak Takraw Championship sa Thailand.
Bunsod nito, inaasahan ng mga opisyal na mani na lamang para sa Pinoy ang manalo sa darating sa Southeast Asian Games sa Malaysia, gayundin sa 2018 Asia sa Indonesia.
“We’re beefing up for the SEA Games, and hope to bring home our first Asian Games gold medal,” sambit ni Philippine Amateur Sepak Takraw Association (Pasta) president Karen Caballero.
“We’re preparing her (Divine Wally) for the Asiad, kasi walang sanda sa SEA Games next year,” pahayag naman ni Wushu Federation of the Philippines secretary-general Julian Camacho.
Iginiit niyang malaki ang tsansa ng bansa kina Hergie Bacyadan (silver medalist) at Francisco Solis (bronze medalist) sa SEAG at Asiad.
Inaasahan naman mababawasan ang medal ng Piunoy sa SEAG matapos magdesisyon ang Games Organizing Committee na alisin ang sanda (combat) event sa wushu competition sa biennia.
Tanging taulou (form) ang paglalabanan sa 2017 SEA Games sa Kuala Lumpur.
Ayon kay Camacho, mas malaki ang pagkakataon ng Pinoy sa Asian Games sa 2018 sa pagkakasama ng Sanda.
Gagawin naman nina Huerte at Gonzales ang lahat ng makakaya para manalo sa SEA Games.
“Ang goal ko lang makanta ang Pambansang Awit (sa SEA Games),” aniya.
“I-enjoy lang namin yung laro namin, alam namin babawi yung Myanmar kaya paghahandaan namin sila,” ayon kay Gonzales.