NAGKASUNDO ang Malaysia at Pilipinas na pauuwiin na ng una ang mga Pilipino na ilegal na nananatili sa Sabah, ayon kay Prime Minister Datuk Seri Najib.
Inihayag ni Najib na makipagtulungan dito si Pangulong Rodrigo Duterte, batay sa kanilang naging pagpupulong kamakailan sa Putrajaya.
“I told him I want him to take back as many illegal immigrants from the Philippines in Sabah. He agreed to accept them, this can be implemented,” aniya.
“It’s important to have this agreement. I cannot send them back without it. He has agreed and I am sure he will honor his commitment. This is an understanding at the highest level,” dagdag pa ni Najib, na iniulat ng The Malay Mail Online.
Sinabi rin ni Najib na handa ang Malaysia na ipahiram ang kanilang mga barko para ibalik ang mga illegal immigrant sakaling hindi sapat ang mga barko ng Pilipinas para maiuwi ang libu-libong Pilipino.
Lumagpas na rin, aniya, ang kapasidad ng mga deportation center sa Sabah dahil umaabot sa 7,000 ang mga illegal immigrant.
“We can start deporting those 7,000 back. When we have more space, then we can fill it up again. We will do this so we can achieve our ambitions of having Sabah for Sabahans,” saad ng PM.
Maraming illegal immigrant ang nananatili sa Sabah sa nakalipas na tatlong dekada, na nagdudulot ng problemang pang-ekonomiya at panlipunan at pulitikal sa bansa.
Gumawa ng Royal Commission of Inquiry si Najib tungkol sa mga usapin noong 2013, at dalawang mataas na antas na komite ang nabuo, bunga ng nasabing report.
Gayunman, maraming partido pa rin, kabilang ang gobyerno, ang nadidismaya sa mabagal na pag-usad ng mga hakbangin para solusyunan ang problema sa mga illegal immigrant.