KAPANALIG, karaniwan nating hinihiwalay ang ating ispirituwal na buhay sa ating pang-araw-araw na gawain. Kadalasan, naisasantabi natin ang katotohanang dapat makita natin ang Panginoon sa ating paligid araw-araw dahil sa bilis ng pag-inog ng ating buhay.

Saan mo ba nakita ang Panginoon ngayon? Siya ba ay nasa gitna ng traffic na ating binabagtas sa mga oras na ito?

Napansin mo ba siya sa LRT o MRT? Sa mga taong tumatawid sa kalye? Sa mga nakasimangot na drayber na inip na inip na sa traffic?

Ang gulong ito ay hindi nais ng Panginoon sa atin. Ang totoo, mas madali natin siyang makikita kung babagal nang konti ang ating tulin o “pace”, kung bibigyan natin ng pagkakataon ang ating sarili na makita na tayo mismo ay may magagawa upang mas maramdam ang Kanyang presensiya.

Ka-Faith Talks

#KaFaithtalks: Puro blessings ang gusto, pero good steward ka ba?

Halimbawa, kung masubukan natin minsan ang maglakad tungo sa ating mga pupuntahan, lalo na’t kung malapit naman, mas magiging palagay ang ating loob at bukas ang ating kalooban upang maramdaman ang Kanyang presensiya: sa lumalamig na hangin sa umaga, sa huni ng mga ibon, sa mga halakhak ng mga bata. Kung masubukan natin ang maglakad kaysa magdala ng sasakyan, mababawasan pa natin ang bilang ng mga sasakyan sa ating mga kalye, gaya na lamang sa EDSA na umaabot sa 520,000 sasakyan kada araw ang dumaraan.

Nakita mo rin ba ang Panginoon sa sitwasyon ng ating kapaligiran? Nandyan ba Siya sa bawat kalye at ilog ng ating mga siyudad kung saan karamihan ay binabalot na ng basura?

Kapanalig, dati-rati hindi ganito ang ating kapaligiran. Buhay ang ating mga ilog, malinis ang ating mga kalye. Nais ng Diyos na kumikinang ang kanyang nilikha, ngunit natabunan natin ito ng basura. Sa ngayon, tinatayang mahigit kalahating kilo ng basura ang nalilikha ng lampas pa sa 12 milyong kataong naninirahan sa Metro Manila.

Ang overconsumption o consumerism, kapanalig, o pagiging ganid, ang bumubura sa presensiya ng Panginoon sa ating buhay. Ang Panlipunang Turo ng Simbahan ay nagtuturo sa atin ng pagmamahal sa ating kapwa gabay ng panlipunang katarungan at pag-ibig. Ayon sa Gaudium et Spes, ang nilikha ng Panginoon ay para sa lahat, upang lahat tayo ay pantay na makinabang sa biyayang ito, gabay ng mahahalagang kaugalian gaya ng katarungan at pagmamahal. Ang ganid ay hindi makatarungan at hindi ito mapagmahal.

Upang mas maramdaman natin ang presensya ng Panginoon sa ating buhay, bigyan natin ngayon ng puwang ang mga pahayag ni Pope Francis, na nagbibigay sa atin ng gabay upang maibalik natin ang ating magandang relasyon sa Maykapal: “We are often driven by pride of domination, of possessions, manipulation, of exploitation; we do not ‘care’ for creation, we do not respect it, we do not consider it as a free gift that we must care for. We are losing the attitude of wonder, contemplation, listening to creation; thus we are no longer able to read what Benedict XVI calls ‘the rhythm of the love story of God and man.’ Why does this happen? Why do we think and live in a horizontal manner? We have moved away from God, we no longer read His signs.”