Isinusulong ng House Committee on Women and Gender Equality ang pagtalakay at pagpapatibay sa mga panukalang may kinalaman sa kagalingan at kabutihan ng kababaihan sa Pilipinas.
Sa pamumuno ni Rep. Emmeline Aglipay-Villar (Party-list, DIWA), at sa pakikipagtulungan sa Philippine Commission on Women (PCW), layuning mapagtibay ang mga susog sa anti-sexual harassment law, anti-rape law, anti-prostitution law, at iba pa.
Sa paglulunsad ng “Making HERstory: Launching of the Women’s Priority Legislative Agenda (WPLA) for the 17th Congress”, nilalayong maikalat ang impormasyon tungkol sa WPLA at makakuha ng suporta sa mga mambabatas mula sa Kamara at Senado.
Bukod sa Kongreso, layunin ding makuha ang kooperasyon at tulong ng mga piling ahensya ng gobyerno, grupo ng kababaihan at iba pang stakeholders para sa WPLA.
Kasama sa nais pasusugan ng WPLA ang: Anti-Sexual Harassment Law, Family Code Provision on Legal Separation, Family Code Articles 14, 96, 124, 271 at 225, at Anti-Rape Law; Enactment of Divorce Law, Informal Economy Transitioning to Formal Act, and Anti-Prostitution Law; Repeal of Adultery and Concubinage Act; at Expansion of Maternity Leave.
(Bert de Guzman)