ISA sa mga simbolo ng Pasko na pagdiriwang ng pagsilang kay Jesus, bukod sa mga awiting pamasko, ay ang Christmas tree. Pagpasok pa lamang ng Nobyembre, unti-unti nang itinatayo ang mga Christmas tree na nagsisilbing dekorasyon o palamuti sa iba’t ibang business establishment; sa harapan ng mga mall sa mga lungsod at lalawigan, sa loob ng tanggapan ng iba’t ibang sangay at ahensiya ng pamahalaan, pribadong opisina at sa loob ng mga tahanan, lalo na ng mga nakahilata sa salapi at kayamanan.
Upang mas maging maganda sa mata, kinakabitan din ito ng Christmas lights na may iba’t ibang kulay. Dumidilat-pumipikit ang mga ilaw at mayroon ding Christmas lights na naghahabulan ang liwanag. Sa paanan ng Christmas tree ay nakalagay ang iba’t ibang kahon ng regalo. Ibinalot sa makukulay na Christmas wrapper at tinalian ng mga pulang laso.
Ang Christmas tree ay naging imortal na sa isang awiting pamasko. Naririnig na pinatutugtog sa radyo tuwing “ber” months. Malumanay ang himig ng awit.
Ganito ang ilan sa mga titik ng awit: “O, Christmas Tree, O, Chirstmas Tree, Thy leaves are so unchanging. O, Christmas Tree, O, Christmas Tree, O, Christmas Tree, A symbol of good will and love; O, Christmas Tree, O, Christmas Tree, You’ll never be unchanging; O Chrismas Tree, O, Christmas Tree, Such pleasure do you bring me.”
Sa Rizal, kaugnay sa pagdiriwang ng Pasko, inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ang Rizal Inter-Town Christmas Tree and Town Hall Passage Decorating Contest. Ang patimpalak na ngayon ay nasa ikatlong taon na ay bahagi ng Ynares Eco System(YES) TO Green Program na flagship project ni Rizal Gov. Rebecca Nini Ynares at ng Oplan BUSILAK o BUhayin Sapa, Ilog, Lawa At Karagatan.
Tulad ng Ynares Eco System (YES) To Green Program, pangunahing layunin ng programa ay pangalagaan ang kapaligiran at ang kalikasan. May anim na component ang YES To Green Program. Cleaning o paglilinis, greening o pagtatanim ng mga puno, recyling o tamang waste management, environmental protection at tourism.
Ang mga Christmas tree na kalahok sa patimpalak ay pawang yari o gawa sa mga recycled material. May 20 hanggang 25 talampakan ang taas. Itatayo ang Christmas tree sa harap ng munisipyo, plaza o municipal park ng 13 bayan at isang lungsod sa Rizal. Maging ang mga dekorasyon sa passage ng munisipyo ay gawa rin sa mga recycled material. Sa paggawa ng Christmas tree makikita ang creativity ng mga Rizalenyo at kanilang katalinuhan. Sa paggawa ng mga palamuti o dekorasyon, mga gamit na materyales ang kanilang gagamitin o ni-recycle na. Sabay-sabay paiilawan ang mga Christmas tree sa Rizal na kalahok sa patimpalak sa ika-18 ng Nobyembre.
Samantala, nitong ika-11 ng Nobyembre, pinailawan ang Christmas tree na nasa harap ng gusali ng Rizal Provincial Capitol sa Antipolo City. Ito ay pinangunahan ito ni Rizal Gov. Rebecca Nini Ynares at dinaluhan ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan. Sa pagpapailaw sa Christmas tree, nararamdaman na ang Pasko. (Clemen Bautista)